ASEAN, magsusulong ng zero tariff sa Philippine products – DTI

DAGUPAN CITY – Ang pagiging kasapi ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang magbibigay-daan para sa zero-tariff scheme sa mga partikular na produktong gawa sa bansa at ine-export sa mga kasaping bansa ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Sinabi ni DTI -Pangasinan chief trade and industry specialist Marjury Lorezco na ang kasunduan sa Asian Free Trade Area (AFTA) para sa 10 miyembro ay lubos na naisagawa noong 2016.
“The market development trade agreements dictates na free o zero-tariff ang pagpasok ng mga specific products sa mga member countries,” ani Lorezco sa ginanap na Pantongtongan Tayo radio program ng Philippine Information Agency (PIA).
Aniya, kailangang sunggaban ng mga negosyante ang ganitong oportunidad at magpasalamat na isa ang Pilipinas bilang founding member ng ASEAN na nangunguna sa pagsulong ng ekonomiya ng komunidad.
Samantala, sinabi naman ni Natalia Dalaten, isa ring chief trade and industry specialist ng DTI, sinisiguro nila ang kalidad ng mga produkto sa mamimili at consumer dahil alinsunod ito sa mga exporter hindi lamang sa International Organization Standards (ISO) gayundin sa ASEAN Standards.
“Businesses must harmonize their products with the quality standards for a free flow and integration in a single market, so buyers are assured of products that are fit and safe,” ani Dalaten.
Ang Pilipinas ay isa sa 10 member states ng ASEAN na kinabibilangan ng Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao PDR, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand and Vietnam. VHS/PIA-Pangasinan / ABN

Amianan Balita Ngayon