Coffee Ordinance, aprubado na sa La Trinidad

LA TRINIDAD, BENGUET – Inaprobahan na ng Sangguniang Bayan ang Coffee Ordinance ng munisipyo sa ikatlong pagbasa nito noong Pebrero 7, Martes.
Ayon kay Guiller Gawlan, chairperson ng Tourism and Special events ng La Trinidad, isa sa mga pangunahing layunin ng Coffee Ordinance ay suportahan ang hanapbuhay ng mga coffee growers at tangkilikin ang mga lokal na produktong kape.
Dagdag pa niya, tulad ng nabanggit ni Department of Tourism Director Marie Venus Quinto Tan sa Kapihan sa La Trinidad, hangarin nilang idagdag ang kape at mga bulaklak kasama ang strawberries bilang pangunahing produkto ng munisipyo.
Ang isang uri nang kape na nais nilang tangkilin ay ang kapeng Arabika, dahil isa ito sa maituturing na mga in-demand at siguradong magugustuhan ng mga tao.
“Kung ikaw ay coffee enthusiast, tikman ninyo ang kape namin dito kung talagang papasa naman and we believe na first class naman talaga yung coffee products natin dito sa La Trinidad,” sabi ni Gawlan.
Kaugnay sa pag-apruba ng Coffee Ordinance ay ang pagsasagawa ng Coffee Summit. Pakay ng aktibidad na ito ang magpahayag ng impormasyon tungkol sa kape, ipakita ang iba’t ibang produkto mula sa kape at trainings kung paano ang tamang pagtatanim nito.
Gaganapin ang Coffee Summit sa nalalapit na Pebrero 24-26 sa Municipal Gym. Melanie Z. Dela Cruz, UB Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon