KING COBRA, NAHULI SA BENGUET

TUBA, Benguet

Isang makamandag na King Cobra ang nahuli ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection, matapos ang matiyagang pagbabantay sa lungga nito sa Lower Poblacion, Tuba,Benguet, noong Abril 14. Unang namataan ang King Cobra malapit sa food court sa harap ng fire station, noong Abril 11, na tinatayang may sukat itong dalawang metro.
Napansin ito ng mga tindera, na agad tumawag sa iba pang residente at opisyal malapit sa lugar, ngunit hindi nila ito nahuli. Isa sa mga umaksyon dito ay si Wilhelm Abance, ang Officer III ng Local Disaster Risk Reduction and
Management at nakunan ng litrato ang nasabing King Cobra.

Ipinost niya ito sa Facebook Page ng Philippine Snake ID para ipa-verify, at karamihan sa mga komento ay nag-identify nito bilang isang highly venomous King Cobra (Ophiophagus hannah), isang uri ng ahas na endemic sa Asya. Ang mga tauhan naman ng Bureau of Fire Protection na isa sa mga unang nakakita at nakasaksi sa paglitaw ng King
Cobra ay agad naglagay ng cordon sa lugar kung saan ito nakita. Nagpaskil rin sila ng signage na may nakalagay na,
“Walang tatambay dito. Beware of snakes.” Dahil hindi pa ito nahuhuli, nagkaroon ng kaba at takot ang mga tindera sa food court, kaya’t mas nag doble ingat sila sa kanilang trabaho.

Bagama’t ayon kay Rose Daniel, 47, isang residente at tindera sa food court, may paniniwala siyang may dala umanong swerte ang pagpapakita ng ahas sa kanilang lugar. Makalipas ang dalawang araw mula nang unang makita ang ahas, lumabas ito muli at nahuli ng mga tauhan ng BFP sa tulong ng ilang residente. Subalit dahil sa mga sugat na natamo at sa mga batong dumagan sa ahas nang ito ay hulihin sa kaniyang lungga, ito ay nanghina at kalaunan ay namatay.

Gwyneth Anne Mina/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon