WALANG PUKNAT at patuloy ang kampanyang puro mga paramdam, pabulong, pahimas-himas na sadyang
pinaiingay upang bigyan ng bagong kulay ang pag tutunggali – at pagkamal ng boto sa isang halalang halos isang taon pa na gaganapin. Sa totoo lang, talaga namang hindi maiiwasan at mapipigilan ang mga ganitong uri ng pagpaparamdam. Ang siste nga, nakikipagtimpalakan na ang mga kandidato, tuloy tuloy ang girian, gayung ang salpukan sa larangan ng pulitika.
Hindi mapigilan ang mga tinig na humuhulagpos, mga tinig ng kami rin inyong dinggin. Iba’t ibang tinig, kahit na mamaos ang boses, pero epektibo pa ring mga paramdam at parinig at paghaplos maiukit lang sa isipan ng mga botante. PATI NA ang ayudang naging bukambibig sa mga panahong ito ay ginagamit ng tahasan at walang
pakundangan. Mga barangay binibisita ng buong pwersa pwersa ng ngiti at halakhak, pwersa ng ayudang alam naman natin ay galing din sa kaban ng bayan. Ating buwis, na tahasan at walang pakundangan na isinasabog sa mga taong naghihiyawan sa tuwa at galak.
Pwede po ba, kaban ng bayan iyan, ayudang may pamamaraan ng pagpili kung sino ang karapat-dapat na nakalista.
Ang siste nga, kahit sino na ay pinipwersang maisama, maiparamdam lang na nanggaling sa sariling bulsa ng mga kandidatong mugto ang mata sa pagnanasa na maiukit sa isipan ng mga nabibiyayaan. Suriin nga natin ang mga
pangalang tila mga kabuting nagsusulputan. Tunay na matindi ang tawag ng pulitika. Kahit na isang taon pa ang
salpukan, sige na, pakawalan na ang mga atubili, maiparinig lang ang tinig, maiparamdam lang ang hangarin na kami pa rin, kami naman.
Ang nakakamangha, iisang pangalan ang pinatutunog ng ayudang walang kahiya-hiya ipinamamayagpag, masabi lamang na nasa mga nagnanasa ang desisyon kung sino ang dapat bigyan. Maghunos-dili naman sa ang mga kandidatong iyan. Ayuda po yan na galing sa kaban ng bayan, hindi sa sarili nyong mga bulsang pinuno ng limpak-limpak, masabi lang na ang inyong puso ay kasing tapat, naguumapaw sa malasakit. Saan ka nakakita sa larangan ng pulitika dito sa Baguio na mag-asawa ay walang kyeme na magsabing si Mrs ay pang Congressman, at ako naman at pagka-Mayor.
Ganoon na ba kanipis ang listahan ng mga lider sa ating lungsod na ang pinakamataas na mga tungkulin ay sa inyong dalawa na lamang? Sabay ninyong aambisyonan? Talaga bang nakahimlay ng tuluyan ang sentido de kumon, ang delikadesang maituturing? Hindi ba ninyo naririnig ang paismid na pagtutol ng mga hindi makatiis sa
paglapastangan ng mga prinsipyo ng dangal? Ang tanong nga ng karamihan – lalo’t higit ng mga akala mo ay may galing at husay na basahin ang rumaragasang mga pangyayari. Nang marinig na mag-asawa ang ipinaparada, taas-kilay sila.
Wala na bang iba? Parang ang siste ay pare parehong mga ngalan ang ibinubuga sa kaitasan. Oo nga naman, wala na bang iba? Sila na lamang ba ang may kakayahan na mamuno? Larong pulitikang napaka aga ang naririnig na bukam
bibig ng mga taong ang silbi yata sa lungsod ay basahin ang mga kilos, galaw, at pananalita ng mga nakaaalam. Kaya
naman, ang mga isyung bumabalot ngayon sa lungsod ay tanggap na kahit na napaka aga. OO NGA PALA,
pambansang halalan din ang kasay ng pagboto sa mga halal na local. Ang tindi ng mga salpukan sa kaitasan.
Muli ay sasabak ang mga ngalang binuhay sa daigdig ng pelikula. Philip Salvador, ipaparada para samahan si Robinhood, si Bato, si Glorified Go at mga kaalyadong Utol ng Bayan, si Imee na hindi nawawalan ng solusyon, si Leon Guerrerong dala pa rin ang kabayo, at ang tatlong Duterte na sabay-sabay na ilalarga sa Senado. Talaga bang pababayaan na nating nasa putikan ang tradisyo ng may alam, may talino, may kakayahan na mga pangalang nagpakinang sa Senado ilang mga dekada lang ang nakaraan – mga ngalang Recto, Tanada, Salonga, Sumulong, Aquino – na sa debatehan lang, aangat ang pag-galang sa institusyong pinanggagalaingan ng susunod na mga Punong Abala ng lipunang Pilipino?
Ano ba yan, sila sila na naman ang mamamayagpag? Akalain mo, mag-inang Villar naryan na, bumubuntot naman
ang isa pang Villar na ngayon pa lang ay todo-anunsyo na ng kanyang pinipwestuhan. Nandyan din ang magkapatid
na Cayetano – si Pia at si Alan– na ni wala nga tayong marinig nitong mga nakaraang araw, lingo at buwan. Bakit
nagkaganoon? Nabusalan na bang maraming ayudang ipinamumudmod ng walang pakundangan? Family enterprise and tawag ng karamihang botante– mag-asawa, magkapatid, mag ina, mag-ama. Kanya-kanyang kapit sa anumang makukupit.
Idagdag pa dyan ang mga walang hunos dili na Senador na pawing walang ka-silbi-silbi, walang kahala-halaga. Mga
ngalang pampelikula ang dating, kasi nga ay laki sa puting tabing. Kaya naman, bago pa man tayo malunod sa dagsa ng pagkabalahura, usapang pulitika, maghunos-dili na lamang tayo at huminto habang namamayagpag ang mga
naluluha na sa mga ambisyong lampas-langit. Sige mangampanya na kayo. Kahit paano, makababawi ang taong bayan na kay tagal ng naghihintay ng ayudang bubuhay sa kanila. Hala, bira!
August 24, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
August 31, 2024