SI KUWAGO AT SI LORO, MAY MABUTING DULOT KAYA ANG KUWENTO?

Sa pangalawang pagkakataon ay muling lumikha ng ingay at mainit na usapin si Vice President Sara Duterte Carpio sa kaniyang pagharap sa Senado partikular sa Senate budget hearing noong nakaraang Miyerkoles. Sa kaniyang presentasyon ng kaniyang “sariling-akdang” librong pambata na “Isang Kaibigan” kung saan humihingi si VP Sara ng PhP10 milyon budget para sa nasabing proyekto ng Office of the Vice President (OVP) ay uminit ang diskusyon sa deliberasyon ng budget para sa 2025 proposed budget ng OVP.

Nang tanungin ni Senator Risa Hontiveros si Duterte sa kung ano ang nilalaman ng libro na linaanan ng PhP10 milyon budget ay inakusahan ng huli ang una na pinupulitika nito ang pagdinig. Isang pangyayaring naulit nang humihingi si Sara ng kaniyang PhP650 confidential fund noong 2023 kung saan sa pursigidong paggisa sa
kaniya ay napilitan itong iurong ang kaniyang kahilingan, at ngayon ay nahaharap na naman siya sa matinding pag-usisa.

Ang librong “Isang Kaibigan” ay isang kuwento ng pagkakaibigan, kung saan si Kuwago ay inabandona ng lahat maliban sa isa sa kaniyang mga kaibigan nang isang bagyo ang sumira sa kaniyang bahay at mga ari-arian. Habang nalulungkot at nagugutom, binigyan siya ng kaniyang kaibigang si Loro ng hindi lamang matitirhan kundi tinulungan siyang muling itayo ang kaniyang pugad. Ang tema ng libro ay ang tunay na mga magkaibigan ay hindi kailanman mag-iiwanan sa mga panahon ng pangangailangan.

Sabi ni VP Sara ay masusundan pa ang librong ito ng isa pang karugtong na aklat na patungkol naman sa “pagtataksil ng isang kaibigan”. (Kahit sinong pangkaraniwang isip ay madali nitong matanto na ang tema ay may pahaging sa nagkalamat na pagkakaibigan nilani PBBM). Ang libro ay naglalaman ng maikling talambuhay ni VP Sara bilang may-akda nang siya pa ang namumuno sa Department of Education na nagsasabing siya ay isang “tunay na kaibigan” at bahagi ng programa ng opisina ng bise-presidente na “PagbaBAGo Campaign” na kasama ang pamamahagi ng isang milyong bag na naglalaman mismo ng aklat na “Isang Kaibigan.”

Ang aklat ay mayroong 16 na inilathala ng OVP at nakalagay na hindi ito ipinagbibili at ipamamahagi sa isang milyong benepisaryo ng OVP sa ilalim ng programa nitong “PagbaBAGo.” Umaani hanggang ngayon ng samo’t-saring opinyon at batikos ang libro ni VP Sara. Andiyan ang pinaratangan itong ng plagiarismo o pagnanakaw-akda (“Owly: Just a Little Blue” na iniakda ni Andy Runton); politikal na propaganda; maagang pangangampanya na kalauna’y ginawa pang katatawanan sa social media. Pinuna rin ng mga tagapaglathala ng mga librong pambata ang labis na gastos at makasariling sariling-akdang libro at isa daw itong nasayang na oportunidad upang suportahan ang mga kasalukuyang manunulat.

Tinatanong bakit susuka ang gobyerno ng milyones para sa sariling libro ng VP samantalang silang mga manunulat at may-akda gayundin ang mga tagapaglathala ng mga librong pambata ay hirap-na-hirap na maipasakamay sa mga
batang mambabasa ang kanilang mga trabaho dahil sa mataas na gastos ng produksiyon at limitadong pag-iimprinta na nag-aambag sa pagtaas ng mga presyo ng libro. Sinabi ni VP Sara na napakadaling sumulat ng aklat hango sa mga sariling karanasan at mabuti ang kaniyang layunin. Totoong madaling sumulat at maaaring mabuti ang layunin, subalit ang paraan upang ito ay gawin, ang nilalalaman ng libro na tahasang pansarili at may-bahid panunumbat at paghihiganti ay tila hindi katanggap-tanggap na iparating at ipamulat sa mga murang isip ng mga bata.

Higit pa dito ang pagmumulan ng pondo na kung tutuusin ay pera ng gobyerno na mismong kaniyang pinupuntirya at ambag ng bawat Pilipino sa kaban ng bayan. Kahit saan natin paikutin, kahit makailang beses na itanggi na walang bahid-politika ang akda at programa ni VP Sara ay nagpupumilit sumingaw ang katotohanan – isang maagang kampanyang politikal ito sa sariling mantika ng bayan. Mayroon tayong kagawarang ng edukasyon at ito ang primerang may mandato at kakayahan para sa eduaksyon ng mga bata, iwan na lang sa kagawarang ito ang trabaho.

PRESIDENTIAL AID

Amianan Balita Ngayon