Suportado ng lungsod ng Baguio at mga munisipalidad ng La Trinidad, Itogon, Sablan, Tuba at Tublay (BLISTT) ang pagkakaroon ng dagdag na atraksyon maliban sa Lion’s Head sa Kennon Road; ito ay ang binabalak na pagtatayo ng rebulto ng nanguna sa paglalatag ng sikat na kalsada, si Colonel Lyman Kennon.
Ang naturang plano ay isinusulong ng lokal na pamahalaan ng Tuba sa pamamgitan ng isang resolusyon.
Si Kolonel Lyman Walter Vere Kennon ng U.S. Army Corps of Engineers ang namuno sa pagtatayo ng Kennon Road mula 1903 hanggang sa makumpleto ito noong 1905. Ang kalsada ay orihinal na tinatawag na Benguet Road at sa kalaunan ay pinalitan bilang pagkilala kay Kolonel Kennon.
Ang BLISTT Development Authority na pinamumunuan ni Baguio City Mayor Mauricio Domogan ay naghayag ng suporta sa bagong itatayong atraksyon. Ayon sa alkalde “walang problema sa resolusyon dahil makikinabang dito ang nasa BLISTT area at makakadagdag din sa pagtaas ng turismo ng lungsod. Bukod dito, magkakatulong ito sa kabuhayan ng mga tao doon.”
Idinagdag ni Domogan na ang Kennon Road ay binuksan bago ang World War II, na naging daan patungong hilaga lalo na sa Baguio City, Mountain Province at Benguet.
Inihayag naman ni Mayor Ignacio Rivera ng Tuba na patitibayin ng proyekto ang turismo ng Tuba.
Sa naunang pahayag, sinabi ni Rivera na ang lokal na pamahalaan ng Tuba ay layunin pagyamanin ang kasaysayan at potensyal sa turismo ng munisipyo upang maglingkod bilang karagdagang atraksyon na dapat ipagmalaki at makita ng mga turista. Inihayag din ng alkalde na bukod sa turismo, ang estatwa ay magsisilbing pagbibigay pugay at pagbabalik tanaw sa ambag ni Kolonel Kennon sa kasaysayan ng Benguet. MA. KRYSTAL I. DIOQUINO, contributor
April 13, 2018