Baguio-based artist, sinakal ang estudyante habang nag-iinuman

LUNGSOD NG BAGUIO – Nagreklamo ang isang 29 anyos na estudyante sa mga otoridad laban sa isang Baguio based photographer-artist dahil sa tangkang pagpatay sa kaniya sa mismong condominium unit niya sa G1 Tower sa kahabaan ng Gibraltar Road madaling araw ng Nob. 4.
Inihayag ni Justice Robin Brett Jovero, 29 anyos, sa mga otoridad na si William Benavidez Magtibay, 64, kilala bilang ‘Willy Magtibay’, ay binalot ang kaniyang mukha at leeg gamit ang kumot hanggang nawalan siya ng malay.
Nang nagising siya, iniulat niya sa mga otoridad na nag-iinuman sila sa kaniyang bahay nang walang anumang dahilan ay bigla siyang sinakal ng suspek.
Sinabi pa ni Jovero na sinubukan niyang manlaban subalit nawalan na siya ng malay.
Iniwan umano ni Magtibay ang biktima nang mawalan ito ng malay, ayon sa mga imbestigador.
Hinanap nina Jovero kasama ang mga otoridad si Magtibay sa kaniyang bahay sa Parisas Compound Camp 7 Barangay at hinuli ito. A.ALEGRE

Amianan Balita Ngayon