Bauang nagkaisang wakasan ang iligal na droga

BAUANG, LA UNION – Nagkaroon ng pagkakataon si Bauang Mayor Eulogio Clarence Martin P. De Guzman III na hinarap ang 117 na participants mula sa 39 na mga barangays na kinabibilangan ng mga punong barangay at miyembro ng Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC) na dumalo sa ginanap na Drug Clearing Operations Seminar noong ika-13 ng Hunyo sa Farmers Hall, Bauang, Municipal Hall.

Sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lokal na pamahalaan ng Bauang at ng Municipal Police Station ay tagumpay ang naging talakayan upang higit lalong mapaigting ang layunin na wakasan na ang mga tiwaling gawain na pagbebenta at paggamit ng bawal na gamot sa buong Bauang.

Sinabi ni De Guzman na ang pakikipag-ugnayan ng barangay sa LGU ay napakahalaga sa “war against illegal drug” na ginugugulan ng oras at pera para sa programa.

“Kayo ang front liner sa aming mga LGU kaya may tungkulin tayo para ipagpatuloy na mapanatiling ipaglaban ang ating mga kababayan na mailigtas at mailayo sila sa pinangangambahan natin na bumalik sa gawaing iligal na droga. Obligasyon namin kaming mga opisyal na magbantay at protektahan ang ating mamamayan at sa ating komunidad.”

Aniya, ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ay naghanda ng pinagsamang action plan sa sunog, tsunami, lindol at anti-terrorism drill. Siniguro din nito na ang radyo at closed circuit television (CCTV) system ay lubos na gumagana upang subaybayan ang mga lawless elements sa bayan.

Tinalakay ni Director Geoffrey C. Tacio ng PDEA Region1 ang kasaysayan ng illegal na droga sa bansa at kung bakit naging drug infested ang Pilipinas.

Ayon sa PDEA, unlimited ang demand para sa bawal na gamot ngunit limitado ang inisyatiba ng pagbabawas nito sa mga barangay at kailangan pang gawin ang balidasyon.

Kailangan masuri ang bawat drug dependent kung siya ay isang banayad na gumagamit, katamtaman o nakadepende na sa droga. Dapat na sundan ang talaan ng chart upang ang drug clearing sa barangays ay tuluyang magpatibay ng malinis na record.

Hinimok nito ang mga tao na pangarapin ang pagbabago at samahan ito ng pagkilos dahil, aniya, posible ang pagkakaroon ng “drug-free Bauang”.

Sinabi ni Major Joel P. Lagto, chief inspector ng PNP Bauang, “Lahat ng tao ay dapat i-renew ang kanyang pangako sa kanyang barangay at kung ang lahat ng 117 participants ay maging aktibo sa kanilang panunungkulan para alay sa kapayapaan at katahimikan ng ating bayan at sa kabila nito ay tuloy-tuloy na ang progresibo at pag-unlad ng ating pinagmamalaking bayan ng Bauang.

“Dalangin namin na ang naitalang 927 drug surrenderers ay hindi na sana bumalik sa mga ganitong gawain na iligal na droga upang maiwasan natin malulong ang ating mahal sa buhay at napapasama sa mga pagpaslang na hindi natin ito kagustuhan,” ani Lagto. ABN

Amianan Balita Ngayon