ANUMANG pagsubok ang dumarating tulad ng sunog na nangyari sa ating pampublikong pamilihan ay isa lamang pangyayari na nagbibigay ng pagkakataon na muling maipamalas ang
pagmamalasakit ng isang sambayanan. Nakakalunos ang maging biktima ng isang sunog na biglang gumulantang. Halos 2,000 na mga manininda ang naging biktima, balot ng pangamba sa nawalang pagkakataong maipagpatuloy ang kabuhayang sandigan ng kanilang araw-araw na gawain.
Nitong mga sumunod na araw, halos buong pwersa ng gobyerno, kaagapay ang mga volunteers at
donors, ang nagbigay ng mahalagang tugon sa mga pangamba ng mga nasunugan. Aksyon ng isang
komunidad ang pinang-yari sa publikong panawagan ng isang lungsod na gaano man ang hirap ng sitwasyon, kakayanin kung sama-sama at tulong-tulong sa pagsalba sa nawalang pagkakataon ng
paghahanap-buhay.
Pansamantala, habang nililinis at inaayos ang nasunugang lugar sa Block 3 at Block 4, pati ang
kaldero section, binigyang pahintulot ang mga fire victims na gamitin ang gilid ng kalsada upang maging temporary vending area. Samantala, tuloy-tuloy ang panawagan at pag-responde sa mga paglilinis ng mga lugar na dati ay bentahan ng mga iba’t ibang pangangailangan prutas, gulay, mga ukay-ukay na damit, at iba pang mabibili sa lugar ng sunog. Kabi-kabila ang nagbigay ng mga gamit panglinis, mga sakong paglalagyan ng fire debris.
Isang malaking hamon ng kasawian ang tinugon ng pinagsamang pwersa ng sambayanan ang gobyerno lokal, ang pribadong sector, ang mga nagbigay ng panahon, sariling gamit, at iba pang mahalaga para sa dagliang panunumbalik ng Block 3 at 4 bilang sentro ng pamilihan sa lugar. Anumang hamon ay tunay na kaakibat ng tugon. Dito muling nasubukan ang all-society response
na pinangunahan ng pamahalaan sa epektibong pamumuno ng Punong Abala, si Mayor Benjie.
Kung sa covid-19, na tatlong taon ng nanalasa sa Baguio, ay hindi natinag si Mayor, eto pa kayang
sunog na ilang oras lamang ay humagupit sa kamalayan ng lungsod. Kamangha-mangha ang dagliang liderato na kanyang ipinamalas – on the ground, on the go, onward to where the tragedy struck. Sa araw na ito, isang linggong buo ang nakalipas mula ng mangyari ang sunog. Itinatayang
bukas ay balik-normal na ang kalakalan sa pamilihang naging institusyon na sa nagdaang mga
dekada.
Nawa ay walang balakid na haharang sa isang pagkakataong dagliang binigyang hininga gayung
isang malaking insidente ang sunog na naganap. Sa mga Marites at Marisol na biglang nagpaikot ng buladas at tsismis tungkol sa sunog na kesyo gawa ng mga nagnanais na simulan na ang hanggang ngayon ay sumasailalim pa ng pag-uusap ukol sa market modernization tigilan sana ang mga walang batayan na mga alegasyong nagpapahirap lamang sa mga nasunugan.
Sa mga handa pang mag-alay ng tulong, salapi man o dagdag gamit, buksang loob ang ating mga
puso sa patuloy na kusang-loob na pag-kalinga. Kung nasubukan natin ang pagiging malasakit sa
panahon ng pandemya, kayang-kaya nating gamitin muli ang bayanihan sa pagkakataong ito.
Ngayon ang panahon ng bayanihan, ang muling maipamalas na sa mga pagkakataong humahamon, aahon, babangon, at titindig tayong matatag ang loob, malakas ang pagnanasang lampas ang ganitong mga trahedya. AngatTayoBaguio, dyan tayo aasenso!
March 18, 2023
March 18, 2023
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 13, 2025
April 13, 2025