BCPO umatras sa Lagman Kidnap- Slay case

LUNGSOD NG BAGUIO – Boluntaryong nag-inhibits ang Baguio City Police Office sa imbestigasyon ng Harjan Lagman Kidnap-Slay case at ipinaubaya sa National Bureau of Investigation (NBI) para magbigay-daan sa impartial investigation sa kaso.
Sa ipinalabas na pahayag ni City Director Allen Rae Co, “In the course of our inquiry, matters have come to light indicating that members of the PNP are involved in the commission of the crime. Consequently, to pave the way for an impartial investigation.”
Ayon kay Co, ang BCPO ay boluntaryong umiiwas sa kanilang imbestigasyon sa kaso na kung-saan ay sangkot ang pulis at minabuti na ipasa ito sa NBI upang mawala ang agamagam ng publiko na magkaroon ng bias ang isinasagawang imbstigasyon.
‘We will forthwith coordinate with the NBI and will convey to them and to the counsel of the family all documents and files of the case that we have gathered. This is in the hope that this will dispel any suspicion or doubts on the integrity of the investigation and of allegations of any possible cover-up.”
“We remain committed to seeking Justice for the Victim and his family and will provide full cooperation and support to the probe to be conducted by the NBI,” paliwanag ni Co.
Matatandaan na labis na kinondena ni PROCOR Director R’win Pagkalinawan, ang pagkakasangkot ng dalawang pulis sa brutal pagkamatay ng isang sibilyan na hanggang ngayon ay hindi pa nakikita ang ulo nito.
Ayon kay Pagkalinawan, sa kabila ng insidenteng ito, ang PROCOR ay nananatiling committed sa paghahatid ng mahusay na sebisyo sa publiko at tagapagtanggol laban sa karahasan sa buong rehiyon at handang gawin ang lahat upang mapanatili ang imahe ng tinatawag na Cordillera’s Finest.
Ang tanggapan ng Regional Drug Enforcement Unit (PROCOR-RDEU), na miyembre ang dalawang pulis na sangkot sa krimen ay pansamantalang isinara, upang bigyan-daan ang masusing imbestigasyon.
Ang dalawang pulis na hindi muna pinabanggit ang pangalan habang isinasagawa ang imbestigasyon at sa pagsasampa ng kaso, ay nasa kustodiya na ng pulisya. Ang bangkay ng biktimang si Harjan Payco Lagman,25, ng Barangay Irisan, Baguio City, ay natagpuang walang ulo, noong Nobyemre 12,2020, sa Sitio Golon, Barangay Ambassador,Tublay,Benguet, matapos na ito ay dukutin ng limang kalalakihan noong Nobyembre 11.
Zaldy Comanda/ABN
 

Amianan Balita Ngayon