Muling nanawagan si Sen. Nancy Binay sa Bureau of Customs na ibigay na sa Department of Social Welfare and Development at iba pang ahensiya ang nasabat na P200 milyon halaga ng smuggled na bigas upang makatulong sa mamamayan sa kabila ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“The clock is ticking at nakikita natin that the incidence of hunger caused by inflation ay napakataas particularly in poverty stricken areas in the Bicol region, Visayas, and Mindanao, including those internally displaced as a result of the conflict.”
“Nakita naman natin sa balita na kung gusto ng pamahalaan, mabilis nilang nagagawan ng paraan. Tama na po siguro ang mga dahilan – kailangan na nating gawan ng paraan ang patuloy na pagtaas ng bilihin lalo na ang bigas,” ani Binay.
Dagdag pa ni Binay na imbes na hayaang mabulok ang bigas sa mga warehouse, dapat ikonsidera na lamang ng BOC na ipagkaloob ang mahigit 2,500 tons ng bigas ngayong nahaharap ang bansa sa pinakamataas na inflation rate nito sa loob ng 9 taon.
“Inflation has worsened the incidence of hunger, and the scale and depth of the immediate impact of inflation have shocking effects on poor families. Bago pa mabulok sa warehouse ang mga bigas, mas mabuting mapakinabangan na ito ng ating mga kababayan,” she pointed out.
Sinabi din ni Binay na dapat tulungan din ang BOC ang Zamboanga City at Basilan matapos silang isailalim sa state of calamity dahil sa pagtaas ng presyo ng komersiyal na bigas ng hanggang P70-P100 kada kilo sa kanayunan.
“Muli po tayong nananawagan kay Commissioner Isidro Lapeña ng Customs na i-turn over na lang ng kanilang ahensya ang mga nasabat nilang bigas sa DSWD at iba pang concerned agencies ng pamahalaan,” aniya.
Hinimok din ni Binay ang Customs na huwag nang umatras-abante sa isyu dahil mismong economic development cluster na ng pamahalaan ang kumilala sa pangangailangan ng reporma para mapababa ang presyo ng pagkain para pamilyang Pilipino.
“The ripple effects of inflation are just as critical. An estimated 10 million Filipinos living below the poverty line are now facing hunger and acute levels of food shortage. At lolobo pa ito hanggang next year if government does not arrest the situation. Malaking bagay po kung ibabahagi ng Customs sa DA ang mga nasabat nilang bigas para makatulong sa kanilang programa doon,” sinabi ni Binay. PR
September 17, 2018