Biggest, sweetest strawberries mag-aangat sa ekonomiya ng LT

LA TRINIDAD, BENGUET – Inaasahang lalo pang makikilala ang strawberries ng bayan at mapapaangat pa ang ekonomiya nito matapos na ipinakita ng 29 na participants ng strawberry farmers ang kanilang sari-saring klase ng strawberries sa Search for Biggest and Sweetest Strawberries Contest sa Municipal Park noong Marso 17, 2017.

Naunang tinimbang mula sa 14 na kalahok ang sampung pirasong bungang strawberries na may iba’t ibang uri gaya ng Sweet Charlie, Summer Angel, Kings berry, Strawberry festival at Winterdawn.

Sa resulta ay tumimbang ng 441 gramo ang entry no. 13 na si Hector Gayomba, matagal nang nagtatanim ng strawberry. Aniya, “Nasa pagsisikap at tiyaga lang ang mag-alaga ng tanim na strawberry, maraming beses na rin ako minsan nalugi kapag napapabayaan mo pala ito. Naging inspirasyon ko rito ay una ang sa Itaas na bigyan pa ako ng pagtitiis na para sa aking pamilya at pangkabuhayan na rin namin.” Ang klase ng kanyang strawberry ay Kings berry na mula pa sa California.

Pumangalawa naman si Alexter M. Timpac na isa ring beteranong magsasaka ng strawberry. Tumimbang ang kanyang strawberries na 414 gramo.

Pangatlo si Gloria Batani na may timbang na 373 gramo ang kanyang pananim na strawberry.

Sa search for sweetest strawberry naman ay may 15 na kalahok. Naunang pinili ng bawat kalahok ang sampung bunga ng strawberries, tinimbang ang mga ito bago inilagay sa blender. Nang malusaw ay sinukat ang tamis nito sa pamamagitan ng refractometer.

Pumalo sa 10.5 ang resulta ng tamis ng strawberries ni Domingo Amor Jr. na may timbang naman na 275 gramo.

Ayon kay Amor, “Kailangan rin na may pagmamahal at kinakausap mo ito na parang sinusuyo tulad rin sa panliligaw na kailangan iparamdam sa pananim mo upang magsilbing matamis rin ito ang klase ng strawberries ko ay Summer Angel na mula pa sa Japanese variety, siguro naman ang formula ay basehan na rin sa ating pagkatao at sekreto na lang ito para sa akin.”
Pangalawa si Gary Osngad na may 9.5 na tamis at nasa timbang na 230 gramo, nagkaroon naman ng tabla sa pangatlo na parehong may 8.8 na tamis na sina Victor Compas at Mencio Lab-isa.

Sa panayam kay Municipal Agriculturist Fely Ticbaen, “Isinasagawa natin ang ganitong patimpalak na Search for biggest and sweetest strawberries na mas marami ngayon ang nakilahok na participants kaysa noong nakaraang taon. Hinihimok natin ang mga magsasaka upang dito natin malaman at mapag-aralan na rin kung anong variety ang higit natin bigyan ng pansin para maparami ang mga klaseng pinakamalaki at klaseng pinakamatamis upang ito ang maaari natin ialok sa mga turista na pagpipilian para sa pinakamalaki at sa isang klase na pinakamatamis.”

“Ito ang paraan para lalo natin mapataas ang ating ekonomiya at mapalaki ang produkto ng ating ipinagmamalaking strawberries,” aniya.

“All year round naman ang pagbubunga ng ating strawberries dito sa La Trinidad na depende rin sa pag-aasikaso sa mga technology na kahit nasa greenhouse ay nagbubunga ito nang mainam,” ani Ticbaen. ABN

Amianan Balita Ngayon