BUHAY AT KAMATAYAN

ISANG maluwalhating Undas sa lahat! Tradisyong Pilipino ang nakaraang dalawang araw ng paggunita sa ating mga yumaong mahal sa buhay. Bawat taon, dinadagsa natin ang kanilang himlayan, walang pagkakaiba biting nagdaang a-uno at a-dos ng Nobyembre. Dalawang araw ng singkad nating muling ninamnam ang ugnayang nagbigay kulay sa ating pagniniig noong walang
iniindang karamdaman.

Maging ano pa ang resulta ng aksidenteng hindi inaasahan. Sadyang ganito ang agos ng buhay Pilipino. Kapag nilakbay na ang hangganan, kapag buhay na lamang sa alaala, ang inulila ay bukal sa pagtanggap ang siphayo ng pagkawala. Kung ang agos ng buhay ay mistulang bula na inililipad
sa papawirin, ganoon din ang kamatayan – biglaan sa Ilan, inaasahan sa may alam. Ngunit ang hapdi ng kawalan ay hindi napapawi ng ganun-ganun lamang. Tumitindi, humahampas,
hunahagupit.

Kaya naman, ang buhay at pagkamatay ay pantay lamang sa hirap at sakit ng mga naiwanan. Ulila sa ngayon, lumipas man ang panahon. Para sa ating patuloy na sinasagwan ang agos ng buhay, ang tanging hamon ay makaahon sa daluyong ng hinagpis at buong layang salubungin ang dumarating
pang mga unos. Hayaan na nating muli tayong bigyang lakas sa mga alaala ng ugnayang buong
sinop na ninamnam.

Hayaan na lamang na mahalintulad sa dahon ng damo na hindi nagpapatinag kapag hinahampas ng sariling unos. At ipaubaya na sya ay isayaw ng hanging tumatawid. Anumang buhay ay
kamatayan ang hangganan. Anumang kamatayan ay muling nabubuhay sa bugso ng galaw at sigla ng muling pagbangon.

Amianan Balita Ngayon