“BUKING ANG VOTE-BUYING NG PARTY-LIST GROUP”

Maagang nahubaran ng party-list na may dalawang letrang pangalan ang tunay na kulay at anyo nito nang mabuking
na bumibili ng boto sa pamamagitan ng pag-issue ng mga identification cards sa mga botante sa Benguet. Tiyak laganap rin ang gawain ng nasabing party-list sa Baguio City at iba pang mga lugar dahil laman sa kalsadang paikot-ikot ang mga markadong samu’t-saring sasakyan nito lulan ang mga alipores, umaga man o gabi. Hindi nakunan ng
documentary evidence gaya nang litratong naglalarawan sa ilang pirasong P100 kasama ang membership cards sa
isang lugar sa Benguet, ngunit inaasahang maraming mangangahas na magbubulgar ang maitim na gawain ng
party-list na ito.

“Nalaglag sa upuan” si Comelec-Baguio election supervisor Atty. JP Martin nang malaman ang pamimili ng boto at
nag-utos na ng mga taong masusing magsiyasat sa gawain ng naturang party-list. Naberika na rin ng Comelec-Baguio na mga rehistradong botante ang mga laman ng nakunan ng camera na mga IDs. Una nang nangako si
Comelec-Cordillera regional director Julius Torres na bubuuin nito ang “Committee on Kontra Bigay” upang masawata ang ganitong pang-iinsulto sa proseso ng halalan at kagustuhan ng taumbayan. Mahigpit ang tagubilin ng
batas at ng Comelec na ipinagbabawal ang pamamahagi ng pera, o anumang bagay na may halaga kapalit ng boto.

Ayon pa sa Comelec, bukod sa maaring arestuhin agad ng mga pulis, sundalo o NBI kung harap-harapang nakikita ang pamimili at pagbebenta ng boto, maari na ring manghuli ang karaniwang mamamayan sa pamamagitan ng “citizen’s arrest”. Mabigat ang parusa ng pamimili at pagbebenta ng boto na aabot ng 6 na taong pagkakulong bukod pa sa ikakasangkot ng mga pulitikong nag-utos sa pamimili ng boto at diskwalipikasyon mismo ng kandidato.
Kung walang konkretong aksyong ang mga ahensya ng pamahalaan upang masawata ang vote-buying at vote-selling, at mapanagot sa batas ang mga nasa likod ng ganitong gawain, walang patumanggang yuyurakan ng party-list na ito
ang kredibilidad ng halalan at tunay na mandato ng mga botante.

 

Amianan Balita Ngayon