HINDI IT BUWAN ng Pebrero, pero mukang mas matindi pa ang epekto ng pagmamahal sa kasalukuyan. Dahil sa pagmamahal ng mga bilihin – una ay bigas, sumunod ang mga gulay, at sa isang iglap, pati sili. Huwag na nating isama diyan ang sibuyas, bawang, pati kamatis, mga pangunahing sangkap upang magkaroon ng lasa ang ating kinakain. Pati ba naman sili? Sa huling balita, bumulusok sa P700 kada kilo ang paboriting pang-anghang sa hapag-kainan.
Kaya naman, napa-ingles si Mamang Barbero, “It’s the time to be silly!” Paano na nga naman ang timpla n gating mga kinakain. Hindi na bale ang mga may kaya sa buhay. Eh paano ang mga walang kinakaya kundi bunuin ang agos at hagupit ng pang-arawaraw na pangangailangan. Dagdag pa ni Mamang Barbero, “Dapat may ayuda rin sa mga kumakain! Mga nagtitinda ng bigas ng
sinasabing palugi, meron! Mga tsuper at operator ng pampublikong sasaksyan, meron! Hindi ba sila nalalampasan ng mga ayudang ibinibigay ng gobyerno?”
Tama nga naman, kung susuriin ang sitwasyon. Yung ngang Department of Education, mayroong
intelligence funds. Aba, kailangan talagan dagdagan pa ang mga ginagamit na pampagana ng Intelligence. Hindi ba’t ang pangunahing adhikain sa edukasyon ay ang maging matalas ang talino at galing ng mga mag-aaral? O sige, mahal na kung mahal. Hintayin na lang ang pagsilakbo ng init ng mga mamamayang matagal na ring isinasayaw sa tono ng pagmamahal. Yung mga A Certain Smile at A Fleeting Glance, patugtugin na para naman sa saliw ng romansang hindi mapigilan ay makalimutan ang pagmamahal ng mga bilihin.
Eto nga at mukhang tapos na ang mga mapaminsalang mga bagyo – Egay, Falcon, Goring, Hannah, Ineng, Karding. Hindi naman naging mapamuksa ang mga hampas ng kalikasan dala ng mga bagyo. Ibig sabihin, nakaraos din. Ganoon lang naman si Pinoy, hindi kainlan matitinag ng isang aberya ng kalikasan at kapaligiran. Kayang umahon, bumangon, at muling tumindik ng may lakas ng loob at tibay ng dibdib. Matatandaan na nagtapos ang buwan ng Hulyo nang manalasa si Egay. Hindi pa man nakalalabas ng bansa, sinundan agad ni Falcon.
At sa buwang nagdaan nitong Agosto, ang sinasabing buwan ng pagmumulto, bumulaga namang si Goring, sinundan ni Hannah, at hindi kalayuan, si Ineng at Karding. Walang puknat ang kanilang
pagdating. Ang sabi ng ng mga nakatatanda sa atin: Iba na ang bagsik ng mga bagyo. Walang puknat na pananalasa. Mga hagupit na dala ng malalakas na ulan at bugso ng hangin na walang
sinisino, walang damdamin, walang sinasanto. Ganito na nga ba ang bagsik ng Inang Kalikasan? Maladelubyo ang dating, kaya naman mala-delubyo din ang hirap at sakit na bumayo sa maraming dako ng bansa, lalo na sa mga lugar na matindi ang dagok na inihasik.
Kaya naman, nang bumulaga si Haring Araw, laking selebrasyon. Eh kasi nga naman, halos isang buwang singkad na hindi man lang nagpakitang gilas ang ugat ng buhay dito sa atin. At nitong
nakaraang mga araw nga, biglang lumabas si Haring Araw. Sa simula ay pasilip-silip, tila inaalam kung paano makakahulagpos sa kaulapang walang humpay na nilalangoy ang kalangitan. Hindi kalaunan, buong buo na nagpakita si Haring Araw, naghasik ng liwanag upang ang langit ay
maging asul. Liwanag ng pagmamahal upang muling umagos ang buhay.
Meron pa tayong dapat na ipagdiwang. Hindi ba’t pinaluhod natin ang Team China sa kakatapos na FIBA World Competition? Aba, huwag ka, muli nating tinalo ang Bansang Tsina – hindi sa West Philippine Sea – kundi sa pag-angkat ng bigas sa iba’t ibang rice producer sa iba’t ibang sulok ng mundo. Ang ‘Pinas ngayon ang bansang pinakamalaki ang importasyon, pangalawa lang ang Tsina.
Napag-uusapan din lang ang mga araw na darating, bigwang puwang naman natin ang isinasagawang mga paghahanda sa tila walang tigil na pagdagsa ng kakaibang mga bumibisita sa atin – ang mga turistang kapwa Pilipino na naiimbyerna sa init ng panahon, sa bagsik ng mga bagyong lalong lumalakas ang hagupit.
Isang makapusong pagsaludo sa Baguio Tourism Council, ang pangunahing samahan ng mga pribado at publikong indibidwal at institusyon na magkaagapay sa pagsulong ng turismo. Tatlong proyekto ang masayang pinasinayaan nitong nitong nakaraang Byernes. Una ay ang muling pagbubukas ng Visitor Information Center sa Burnham Park. Halos isang taon ding binuo ang pag-sasayos ng naturang pasilidad, kaharap lang ng restoran sa Abad Santos St na siyang pangunahing kalsada sa makasaysayan at pangunahing parke sa Baguio.
Pangalawa ay ang paglulunsad ng Post Office Park na isinagawa upang maibalik ang kaluntian at kagandahan ng tanggapan ng koreo na siyang nagsilbing tulay ng ugnayan sa pamamagitan ng
pagpapadala ng sulat at iba pa. Napakaganda ng parkeng binigyang buhay sa harap ng Post Office. Ang tanging dungis lamang ay ang gusali sa kanyang likuran. Ika ng barbering taga-Ilocos Sur,
dugyot! Pangatlo ang reflectorized pool sa Wright Park, harap lang ng Mansion House, na tunay
namang nagbigay ng kakaibang kulay ng kapaligiran sa isang lugar na madalas ay nagiging sentro ng romansa sa mga sineng hindi pinaglumaan ng panahon.
Pinagtuunan ng hindi matatawarang kakayahan ang ginawang pag-sasaayos ng tatlong lugar sa Baguio ng pinagsamang puwersa ng gobyerno local at ng Baguio Tourism Council. Tatlo rin ang
puwersang ginamit: ang pamahalaan, ang pribadong sector ng mga nagtataguyod sa muling pagbangon ng turismo, at ang buong lipunan na nakiisa upang muling maibalik ang sigla ng industriyang pinadapa ni Covid-19. At hindi magtatapos ang mga inisyatibong itinataguyod
upang ganap na maibangon ang mga nasalanta ni Covid-19 at ang mga nagdaang mga superstorms.
Ang Creative Baguio City Council naman ay mayroon ding mga pinaghahandaang mga proyekto na magbibigay lakas at inspirasyon sa mga kultura at sining ng lungsod. Ang Dominican Hill retreat
center ay isasailalim sa isang conservation management plan upang mapatatag ang halaga ng
kasaysaysan sa naturang lugar habang isinusulong ang kultura at sining na siyang inaasahang ugat ng bagong kasiglahan. Inaasahan ding muling ilulunsad ang bersyon sa taong ito ang kinasasabikang Ibagiw Creative Festival sa isang Nobyembreng punong-puno ng mga programang magaangat pa sa lebel at kalidad ng kultural at sining.
Ang larangan ng paglikha ang naging susi upang noong taon ng 2017, bago pa man manalasa si Covid, ay binigyang pagkilala ang Baguio bilang kasapi sa Creative Cities Network na nasa pangangalaga ng United Nations. Dalawang larangan ng sining – crafts at folk arts – ang binigyang pugay upang ang Baguio ay maging unang lungsod sa Pilipinas na kilalaning Creative City. Nandyan din ang Ibagiw 2023, ang taunang pagdiriwang ng kulturang namumukadkad sa Baguio, na binibigyan ng kakaiba at katangi-tanging kulay ng paglilikha sa pamamagitan ng iba’t ibang
larangan ng sineng.
Ngayon pa lamang ay hindi na magkadaugaga ang mga paghahanda upang mahigtan pa ang mga matagumpay na Ibagiw Creative Festival na pang limang-taon ng ginagawa. Dalawang magkasanggang sector ng lipunan sa ilalim ng masinsinang pangangasiwa ng mga pribadong indibidwal ang katangi-tanging samahan na dapat lamang na bigyang parangal: ang Baguio Tourism Council sa liderato ng matagumpay na negosyanteng si Gladys Vergara at ang Creative Baguio City Council na pinamumunuan ng ngayon ay retired UP-Baguio Chancellor Dr. Raymundo Rovillos. Pagmamahal sa Baguio, kailan man hindi magbabago, kung para sa tunay na serbisyo.
AngatTayoBaguio, diyan tayo may asenso!#
September 17, 2023
September 15, 2024
September 15, 2024
September 15, 2024
September 15, 2024
September 15, 2024
September 15, 2024