Ang lungsod ng Baguio ay unang dinisenyo ng isang amerikanong arkitekto na para lamang sa sampung libo katao noong1900’s. Ngunit tila ang pinagbatayan lamang niya na sukat ay ang tinatawag ngayong “central business district”. Pagkalipas ng higit isandaang taon, mula sa sampung libo ay lumobo na sa halos apat na raang libo ang populasyon ng lungsod na hindi pa kasama ang paroo’t-paritong bisita at mga estudyante mula sa mga karatig probinsiya.
Simple lamang ang buhay noon, naglalakad lamang ang mga residente at kung kinakailangan ay mga kabayo at bisikleta ang gamit sa paglalakbay – presko at malinis pa ang hangin.
Kasabay ng paglago ng populasyon at pag-unlad sa uri ng pamumuhay ay ang pagdami rin ng mga de-motor na sasakyan na araw-araw na nagbubuga ng usok na unti-unting sumisira sa hangin, sa kalikasan at sa kalusugan ng tao. Sa “central business district” pa lamang ng lungsod ay libo-libo ng sasakyan ang paikot-ikot sa isang araw at hindi lamang masikip na trapiko ang dulot na problema kundi ang pagbaba ng uri ng hangin na banta sa kalusugan ng tao.
Ilang beses na bang napabilang ang lungsod ng Baguio sa mga lugar saPilipinas at mundo na may pinakamababang uri ng hangin ayon sa mga panuntunan ng mga organisasyon at ahensiyang tumututok sa kalikasan. May mga establisimyento na rin ang naunang nagsulong ng kanilang “carless day” upang kahit paano ay makatulong sa pagbawas ng masamang partikulo dulot ng usok ng sasakyan. Maliit man kung ito’y tingnan subalit malaking tulong ito kung iisipin.
Binabalak ngayon na isulong na sa buong Baguio gawin ang “carless day”, napakagandang hakbang ito.
Imbes na sa buong Baguio gawin ito ay maaari sigurong simulan muna sa “central business district”. Halimbawa ay walang papasok na mga sasakyan sa kahabaan ng Session Road, Harrison Road, Abanao St., Magsaysay Road at sa mga kalye palibot ng Burnham Park sa isang araw dahil ayon sa mga naunang pagsusuri at ulat ay dito ang konsentrasyon ng masamang usok.
Napakainam sariwain ang unang panahon na kung saan ay malayang naglalakad ang tao sa sentro ng lungsod. May nagbibisikleta at mga namamasyal,at ang iba ay nag-eehersisyo at nagjo-jogging. Masarap simsimin ang hangin.
Hindi ito imposible dahil kung kayang isipin ay kaya ring gawin lalo na kung ang layunin ay mabuti at para sa kapakanan ng tao at kalikasan. Sa pamamagitan ng isang “carless day” ay maibabalik natin sa lungsod ang dating simpleng panahon, nakakatulong tayo sa lungsod at kalikasan kahit sa loob lamang ng isang araw. Ang isang araw na sakripisyo ay maaaring aabutin ang kabutihan sa mga darating pang henerasyon – isang simpleng pamana sa ating mga apo at susunod pang mga apo. PMCJr.
March 17, 2018
March 17, 2018
April 19, 2025
April 12, 2025
April 5, 2025
March 29, 2025
March 22, 2025