CHOPSUEY NA MGA KONTROBERSIYA… SA ‘PINAS LANG!

Sa buong mundo…sunod sunod kundi man sabaysabay ang mga trahedyang nagaganap. Nariyang nararanasang grabeng ulan, bagyo, baha at mga kalamidad saan mang bahagi ng mundo. Marami ang napinsalang ari-arian, Negosyo, pa-empleo, nabubuwis na buhay. Maaring tinatapik na tayo ng Panginoon at pinapaalalang marami na tayong pagkukulang na dapat asikasuhin. Sabi ng marami: ito ay isang KARMA o BUMIRANG dahil din sa ating
mga ginagawa.

Nang dahil sa kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura lalo na sa mga binabahang mga lugal, nababarahan ang mga daluyan ng tubig. Ang itinapon mong basura ay bumabalik din sa iyo na parang Karma. Daplis mismo eto ni Pres.Bongbong Marcos Jr. matapos ang mga pagbaha lalo na sa NCR na dulot ni bagyong Carina at habagat. Sabi naman ng iba, baka naman daw hindi nagamit nang tama ang mga pondong inilaan ng gobyerno para sa paglilinis at
pagmamanteni ng mga drainage systems kaya bumabaha.

Iba naman ang isyu sa Region 3 kung saan nariyan ang Bulacan, Tarlac Pampanga at iba pang bahaing lugal. Mababa
talaga ang mga lugal na ito kaya dapat maremedyuhan. Political-will lang ang kailangan, hindi “political harassment” na parang uso yata sa ngayon, tsk tsk. Sala-salabat na mga patutsada matapos magbitiw sa pamunuan ng Dep-Ed si VP Sara Duterte. Isyu hinggil sa pag-aalis ng 75 niyang security mula sa PNP. Sabi naman ng PNP na meron pang higit sa 25 ang naiiwan.

Gagamitin daw kasi ang 75 sa seguridad ng pangkalahatan. Ang hiling na lang ni VP Sara sa kanyang mga supporters o kapanalig na “protektahan” ang kanyang pamilya – nanay niya, asawa niya at apat nitong anak. Maaring ganito rin ang saloobin ni Sen. Bong Go kung saan inamin din niya kamakailan na tinanggalan din daw siya ng security.
Kontrobersiya din ngayon ang pagtawag kay dating Presidential Spokeperson na si Harry Roque at binusisi ang isyu ng pagkakahuli ng dalawang dayuhan na hinuli dahil sa hinihinalang pagkakasangkot sa operasyon ng POGO.

Umamin si Roque na isa siya sa mga may-ari sa bahay ng tinutukoy na nasa Tuba, Benguet pero daplis niya na dapat patunayan ng mga otoridad na ang mga dayuhang hinuli ay sangkot talaga sa POGO. Di pa tapos ang busisihan, pards. Nasubok naman ang kakayahan ng bagong upong Dep-Ed Secretary Sec. Angara, kapalit ni VP Sara sa pagbayo ng bagyong si Carina at malakas na habagat. Maraming paaralan ang nasalanta at higit walong daang estudyante ang hindi nakapasok nitong nakalipas na pasukan.

Kaya ang payo ni Sec. Angara sa mga apektadong paaralan na magkakaroon na lamang sila ng make-up classes sa Sabado para makapunan ang kakulangan sa school calendar. Only in the Philippines na may mga chopsuey na
kontrobersiya. Samu’t-sari. Edukasyon. Kalusugan. Pamamahay. Transportasyon. Politika. Pagkain. Mahal na presyo ng bilihin. Tagas ng langis. Climate change. Mga illegal na Gawain. Mga nagtatagong akusado na hindi mahulu-huli. Droga. Mga pekeng tao. Baka meron pa kayong alam dyan. Angkas na at makialam, pards. Baka nasa iyo ang ikalulutas ng mga problemang eto. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon