CHR, saan ka na patungo?

Tama naman ang nakasaad sa Konstitusyon na: 2. In Article XIII, “social justice and human rights,” Section 17, the Charter provides: Section 17,(1) there is hereby created an independent office called the Commission of Human Rights; (2) Until this commission is constituted, the existing Presidential Committee on Human Rights shall continue to exercise its present functions and powers.”
Ang Commission on Human Rights ay nilikha ng 1987 Constitution at may mandato itong protektahan ang sibil at pulitikal na karapatan ng mga mamamayan ng Pilipinas sa paraang imbestigahan ang mga pang-aabuso sa karapatang-pantao sa bansa. Nabigyan ito ng “Status A” bilang isang national human rights na pangunahing trabaho ay humawak ng mga reklamo, magbigay edukasyon sa karapatang-pantao at rekomendasyon sa reporma ng batas.
Sa pananaw ni Yen Makabenta na kolumnista ng The Manila Times ay sinabi niyang katulad din ng prohibisyon sa konstitusyon ukol sa “political dynasties, ang CHR ay nasa kalagayang “suspended animation” o kalagayang parang patay ngunit buhay. Ang parehong phenomenang ito ay magkatulad sa ilang punto, bawat isa ay kailangan ng malinaw na probisyon sa Konstitusyon at bawat isa ay tuliro dahil sa kakulangan ng batas upang ipatupad ang probisyon.
Kapuwa palutang-lutang ang dalawang probisyon dahil hindi umano lubusang ganun kasidhi si dating pangulong Cory Aquino na maisabatas ang mga ito. At dahil sa kawalan ng suportang batas ay walang Commission on Human Rights. Gayundin kung walang suportang batas ay walang prohibisyon sa political dynasties sa sistema ng ating konstitusyon.
Hanggat hindi nako-constitute ng lehislatura ang Commission on Human Rights, ay walang legal na basehang umiral ito at makakuha ng badyet. Ang “thereby phrase” sa konstitusyon ay hindi sapat upang lumikha ng commission dahil umano, walang ahensiya ng gobyerno ang nilikha ng isang “thereby”.
Nakita kaya ito ng kongreso kaya napakatibay nitong tapyasan sa ikabuturan ang badyet ng CHR na halos buwagin na ito? O talaga lamang nabubuwisit na ang mayorya sa kongreso dahil sa sinisira nito ang estado, sa pagiging partisan nito at maka-kulay dilaw na siyang pinaka-kritikal sa administrasyong Duterte? At ang napapansing tila mas pinapaboran pa raw ng CHR ang karapatan ng mga kriminal kaysa mga biktima?
Mukhang lumalaban para mabuhay ang CHR at nakakuha ng ilang kakampi sa Senado upang maibalik ang P678 milyon budget at katunayan ay inaprubahan na ng Finance Committee ng senado ito.
Sa patuloy na pagkahol ng CHR laban sa administrasyong Duterte ay lalong nangangati namang buwagin ito at kung mangyari ito ay ano na ang kahihinatnan ng mga kaso ng pang-aabuso at  kailangan pa ba talaga ng Pilipinas ang isang “independent human rights commission” upang panatilihin kung ano ang nakasaad sa Bill of Rights at maprotektahan ng tamang proseso.
Kailangan ng panibagong pag-aral at kailangang pag-aralan na ng Kongreso ang mga isyu at gumawa ng desisyon, bubuwagin ba o patatatagin ang CHR. Dahil sa ngayon nasa kapangyarihan na ng Kongreso at Senado ito, dahil kung walang malinaw at tunay na “estado” ang CHR ay baka maging isang “non-government organization” na lamang ito na magsisilbing “kontra-pelo” ng rehimeng Duterte, na sukdulang maging anino na tiyak marami ang matutuwa at tutulong dito?  PMCJR.

Amianan Balita Ngayon