CSWD, itinangging nagkait ng tulong sa illegal settler

Pinabulaanan ng City Social Welfare and Development Office ang paratang ng isang residente na pagkakait ng tulong ng naturang tanggapan.
Nilinaw ni CSWD officer Betty F. Fangasan na hindi ang pagiging illegal settler ni Josephine M. Cael ng Purok 5, Asin Road, Baguio City ang dahilan ng pagtangging tumulong ng DSWD.
Ayon kay Fangasan, walang katotohanan ang mga sinabi ni Cael dahil base sa record ng DSWD, hindi ito biktima ng typhoon Lawin kaya walang rason upang tulungan ito.
Si Cael ay isa sa mga biktima sa pagragasa ng bagyong Mina noong Agosto 2011 na ikinasawi ng dalawang anak nito dahil sa landslide sa Asin Road.
Biktima rin ito ng typhoon Maring noong Agosto 2013.
Ngunit paliwanag ni Fangasan, tinulungan ng DSWD ang Cael family noong 2011 at 2013 na aabot sa P216,101 ang naibigay ng departamento at may iba pang tulong pinansyal na mula naman sa private donor.
Ayon kay Councilor Joel Alangsab, ipinatawag ng konseho ang dalawang panig upang malinawan ang paratang ni Cael na tumanggi ang DSWD na tulungan ang kanyang pamilya dahil sa pagiging illegal settler nito.
Ani Alangsab, ang naturang rason ay hindi matatanggap ng konseho.
Depensa naman ni Fangasan, nakumpirmang hindi totoong nagsumite ng aplikasyon si Cael. “No report, no request,” aniya.
Dagdag pa ng social welfare officer, hindi totoong dalawang beses na tumanggi ang DSWD na magbigay ng tulong dahil lamang sa pagiging illegal settler nito.
Tumutulong ang DSWD sa mga illegal settlers lalo na sa tulong pinansyal na ibinibigay ng departamento sa mga nangangailangan, giit ni Fangasan.
Pinayuhan naman ng konseho si Cael na pormal na magpasa ng aplikasyon sa DSWD.
Naganap ang forum sa regular na session ng Sangguniang Panlungsod noong Pebrero 6, 2017 sa Baguio City Hall. Sarah Joy Balagtas, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon