LUNGSOD NG DAGUPAN – Tiwala ang hepe ng lungsod na maaabot ang target na malinis sa illegal na droga ang Dagupan City bago magtapos ang taon, ang ultimatum na itinakda ng Pangasinan Police Provincial Office (PPPO).
Ayon kay Superintendent Franklin Ortiz, na naatasang permanenteng hepe ng pulis ng Dagupan noong Oktubre 27, “on track” pa rin ang lungsod sa pagpapatupad ng drug-clearing operations. Si Ortiz ay nagsilbing officer-in-charge mula pa noong Abril 2017.
Aniya, 29 sa 31 barangays ang nalinis na sa illegal na droga. Umaasa ang hepe na ang barangay ng Pugaro ay magiging ika-30 na malilinis.
Ibinalita ni Ortiz na ang Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) ng Pugaro ay nag-ulat kamakailan sa City Anti-Drug Abuse Council (CADAC) na handa na ang barangay para sa clearing.
Ang naturang rekomendasyon ay susuriin pa ng CADAC, sa pangunguna ni Mayor Belen T. Fernandez bilang chairwoman at ni Ortiz bilang vice chairman.
Kapag nalinis na ang naturang barangay ay matitira na lamang ang Barangay II at III na drug-affected village sa Dagupan City.
Sinabi ni Ortiz na patuloy ang pagmomonitor nila sa dalawang barangay hanggang maideklara na ring drug-cleared ang mga ito.
“As I told the city council earlier, the BADAC should first recommend to CADAC whether their village is already drug-cleared. But the final say always on whether a barangay is already drug-cleared comes from the Philippine Drug-Enforcement Agency (PDEA),” aniya.
Ipinaalala ni Ortiz na nang inilipat ni Presidente Rodrigo Duterte ang responsibilidad sa paglaban sa droga sa PDEA, ang pagsisimula lamang ng anti-illegal drug operations ang inalis mula sa kapulisan. Lahat ng iba pang trabaho gaya ng drug-clearing ay nananatiling responsibilidad ng pulis, aniya.
Samantala, iniulat din ni Ortiz na ang Community-Based Rehabilitation Program ay nagsimula na at maigting na ipinapatupad sa lahat ng lugar sa Dagupan. May pitong clustered villages na malapit nang makakompleto sa programa sa loob ng ilang araw.
Inamin ng hepe na ang schedule sa ibang barangay ay kailangang baguhin upang pagbigyan ang kahilingan ng drug surrenderers na sumailalim sa programa sa weekends dahil kailangan nilang magtrabaho para sa kanilang pamilya sa weekdays. LVM, PNA / ABN
November 4, 2017
November 4, 2017