Dalaga, nahuling nagnakaw sa supermart

Huli sa pagnanakaw ang isang dalaga bandang 1:45pm ng July 26, 2017 sa loob ng Sunshine Supermart, Abanao Street, Baguio City.
Kinilala ang suspek na si Nhica Subido Castro, 24, single, walang trabaho at residente ng Munos Drive, Asin Road, Baguio City.
Ayon sa imbestigasyon, nagmamasid ang complainant na si Ferdinand Simon Rosario, 46, may-asawa, store watcher ng nasabing grocery, sa mga customer nang makita nitong nakatayo ang suspek sa isle, pagkaraan ay nagtago ng ilang items sa kaniyang baywang habang ang kaniyang kasamahan na nagngangalang Rhea ay nagsilbing lookout. Pagkatapos itago ng suspek ang mga items, lumabas na sila ngunit sinundan at kinompronta ni Rosario na humantong sa pagkakahuli sa suspek at nakuha ang anim na piraso ng Skin White power whitening lotion at anim na piraso ng Axe black deodorant body spray na may kabuuang halaga na P2,935.50.
Rumesponde at inaresto ang suspek ni SPO1 George Gaddang na nakatalaga sa Traffic Enforcement Unit ng city police office.
Hinalughog din ni Gaddang ang lugar para sa posibleng pagkadakip sa isa pang kasamahan ng suspek na tumakas ngunit hindi ito nakita.
Ang kaso ay iniharap kay Inquest Duty Prosecutor Margarita DG Manalo at nag-issue ng preliminary disposition na direktang iniutos ang paglipat ng nahuling suspek sa kustodiya ng Baguio City Jail.

Amianan Balita Ngayon