Dalaga, patay matapos masagasaan ng mini bus

Patay ang dalagang tumatawid sa pedestrian lane nang masagasaan ng isang mini bus bandang 7:50am ng Hulyo 25, 2018 sa kahabaan ng Lower Magsaysay Avenue, Baguio City partikular sa harap ng Milan Building.
Ayon sa imbestigasyon, ang Isuzu mini bus na may plakang AYR-700 at rutang Baguio-Sagpat, Kibungan, Benguet at vice versa, na minameho ni Melchor Segundo Batel-ey, 46, residente ng Brgy. Balakbak, Kapangan, Benguet, ay patungong Dangwa Terminal mula sa Lower Magsaysay Avenue.
Habang tinatahak ang inner lane, aksidente nitong nabundol at nasagasaan ang tumatawid na si Edna Mangulay Loot, 24, residente ng Wangal Extension, Baguio City.
Nagtamo ng maraming sugat ang biktima at dinala nina Edmun Manzano Englan, 36, residente ng Badihoy Street, Guisad, Baguio City, at Angelica Jane Ayan, 23, nurse sa SLU-Hospital at residente ng Lower Magsaysay Avenue, Baguio, ang biktima sa Pines City Doctors Hospital para malunasan.
Subalit idineklarang patay ang biktima dahil sa mga natamong sugat bandang 9:20am ng parehong araw nina Dr. Rayulin Liceralde at Dr. Winnie Maramag.
Iniimbestigahan pa ang kaso.

Amianan Balita Ngayon