Saleslady, hinampas sa ulo upang mapagnakawan

Hinampas sa ulo ang saleslady upang mapagnakawan bandang 11am ng Hulyo 25, 2018 sa loob ng Helen’s Merchandise sa 21 Abanao Street, Baguio City.
Ang biktima ay si Dianne Pimentel Banga-an, 25, saleslady, tubong Rizal, Kalinga at residente ng Campo Sioco, Brgy. Imelda Marcos, Baguio City.
Kinilala naman ang mga suspek na sina Mjhay Blancada Perol, 28, residente ng Imperial Street, Cubao, Quezon City, at Andrei Tuzon, tubong Brgy. Bagong Flores, Lupao, Nueva Ecija at residente ng Buyagan, La Trinidad, Benguet, na nagtulungang nakawin ang mga ibinibenta ng biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon, nagtatrabaho ang biktima sa nasabing establisimyento nang pumasok ang mga suspek at umaktong customers. Habang nago-order sila ng mga item na maramihan, nagtext ang biktima sa kaniyang katrabaho na si Virlen Antipuesto Dizon, 34, tubong Isabela at residente ng Mary Mount, Agapoa Drive, Baguio City, upang siya’y tulungan. Binantayan nila ang mga suspek na nag-order ng iba’t ibang damit, kaserola at sapatos. Matapos maibalot ang kanilang order, umalis si Dizon upang bumalik sa kaniyang puwesto. Nang nag-iisa na ang biktima at naghihintay na bayaran ng mga suspek ang items, kinorner ng mga suspek ang biktima sa loob na bahagi ng stall at agad na nilagyan ng tela ang kaniyang bibig at sinakal ang kaniyang leeg. Pinulot ng mga suspek ang isang kahoy at hinampas sa ulo ang biktima. Maayos na umalis ang mga suspek sa pinangyarihan ng insidente at humingi naman ng saklolo ang biktima sa kaniyang kapit-puwesto na nagdala sa kaniya sa BGHMC para malunasan.
Habang nagsasagawa ng hot pursuit, naaresto ng mga rumespondeng tauhan ng Police Station 7 ang suspek na si Perol sa Victory Liner Bus Terminal, PNR, Baguio City, habang naaresto ang kasamahan nitong si Tuzon sa Maharlika Building, Abanao St., Baguio City. Narekober sa mga suspek ang mga piraso ng ebidensiya. Iniimbestigahan pa rin ang kaso.

Amianan Balita Ngayon