DALAWANG VEGETABLE FARMER, PINASLANG SA BENGUET

Headlines

Camp Dangwa, Benguet – Masusing iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang pagpatay sa dalawang farmer na magdedeliver ng inaning gulay ng di pa nakikilalang salarin sa may Kapangan, Benguet, noong Hulyo 7.

Kinilala ng Kapangan MPS ang biktimang sina Eliterio Sacla Licudan, 47, ng Sagpat, Kibungan, Benguet at Jerick Lidama, 25, tubong Bindoy, Negros Oriental at nakatira sa Barangay Sagpat, Kibungan, Benguet.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Ellison Balay-as Licudan, na dumating sa crime scene at kinilala ang mga biktima, na ang isa ay kanyang anak, na umalis ng Kibungan ang mga ito dakong ala 4:30 ng umaga na lulan ng Isuzu elf truck na may plakang WMA-413 para ihatid ang mga inaning gulay sa La Trinidad Trading Post.

Ayon sa Kapangan MPS, inireport sa kanila dakong alas 6:30 ng umaga na may naganap na shooting incident sa Gov. Bado Dangwa Rd., Brgy. Cuba, Kapangan, Benguet.

Nadatnan na lamang ng pulisya na nakabulagta ang mga biktima na pawang may mga tama ng baril sa katawan. Hindi pa malinaw sa pulisya kung pagnanakaw ang motibo ng mga suspek, dahil walang naiulat na nawawala sa mga biktima. Tinitignan din ang anggulo na kung may kagalit ang mga ito.

Zaldy Comanda/ABN