Dapat mangibabaw pa rin ang serbisyo sa publiko sa kabila ng lahat

Editorial

Hindi lang iilang beses na nasaksihan natin at napatunayan na kahit mismong matataas na opisyal ng gobyerno at mismong mga nagpapatupad ng mga batas at panuntunan ay maaaring lumabag at magkulang sa kanilang sinumpaang mga tungkulin. Ang dahilan? Sapagkat sila rin ay mga tao lamang – may panahong mahina, nagkakamali at nawawala sa wisyo.

Sa maraming pagkakataong gaya nito, sa maraming mga personalidad (kontobersiyal, sensational at pinagpipiyestahan) ay mabibilang sa mga daliri ang may kakayahan at tapang na aminin ang pagkakamali at sukdulang isakripisyo ang posisyon, nagbibitiw dahil sa delikadeza at kahihiyan.

Subalit tila mas marami ang animo’y kinunat na ng panahon at pagkagahaman sa kapangyarihan at impluwensiya ang mukha kaya ni humingi man lang ng pagpapatawad ay di magawa bagkus nagteteyngang-kawali sa maingay na panawagan na sila ay magbitiw na sa puwesto – mga bingi o nagbibingi-bingihan dahil malakas ang kapit sa taas, ika nga.

Isa sa matatapang at may pagpapakumbabang humingi ng tawad at akuin ang responsibilidad sa pagkakamali sa pamumuno ay si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na kamakailan ay nalagay sa kontrobersiya dahil sa hayagang walang ginawa (o nagawa) sa isang malaking pagtitipon (birthday party) ng isang kilalang celebrity na si Tim Yap na nagdaos ng isang magarbong kaarawan sa The manor Hotel sa Camp John Hay, Baguio City kung saan pinuna at binatikos ng mga tao lalo na sa social media na walang ginawang pagtupad sa pinaiiral na minimum health protocols.

Karamihan sa mga dumalo diumano ay hindi tinupad ang social distancing at hindi nagsuot ng face mask o face shield at mismong ang asawa ng butihing mayor na kasama niyang dumalo sa nasabing birthday party ay nakita ring walang suot na face mask sa ilang mga larawan at video.

Dahil nga sa nasabing insidente ay agad nagbitiw si Magalong bilang Contact Tracing Czar ng bansa sa rason na ayon sa kaniya ay “nakalimutan niyang gawin” ang kaniyang trabaho bilang “namamahala ng krisis” at miyembro ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases at bilang ama ng lungsod. Inamin niya na nagkaroon ng ilang kakulangan sa pagtupad sa protocol at nais niyang managot at ayusin ang pagkakamaling nagawa niya. Nalimutan daw niya ang pamumuno bilang isang halimbawa at dahil lahat ng nagyari ay tungkol sa pananagutan – kaya siya nagbitiw.

Hindi tinanggap ng Palasyo ang kaniyang pagbibitiw at nananatili ang “tiwala at kumpiyansa” ng pamunuan ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 lalo na ng Pangulo. Sa liham ng pagbibitiw diumano ni Magalong ay “irrevocable” ito subalit kung nais daw ng Pangulo (ayon kay Magalong) na manatili siya sa trabaho ay hindi raw niya matatanggihan ito. Nito lamang ay nagdesisyon ang NTF na manatili si Magalong bilang contact tracing czar hangga’t “walang nakikitang” kapalit niya.

Muling binatikos ng ilan ang tila nakakalitong mga pahayag ni Mayor Magalong kung saan ay sinabing niyang “irrevocable” daw ang pagbibitiw niya ngunit kalauna’y itinanggi niyang wala daw salitang “irrevocable” sa kaniyang liham. Sa gitna ng patuloy na pagkakaroon ng mga kaso ng COVID-19 at ang panibagong banta ng bagong UK variant ng virus na mismong sa Cordillera unang naitala ang unang kaso nito na humangga sa lungsod ng Baguio ay wala na muna sigurong puwang ang maliliit na bagay ng pagbatikos (oo maliit lamang ito kumpara sa napakalaking problema sa kalusugan ngayon).

Mas makakabuting ituon na muna natin ng sama-sama ang paglaban at pagpuksa sa kalabang hindi nakikita ngunit napakapanganib na kaaway. Ang lubos na pakikiisa at pagtalima sa lahat ng paraang itinakda ng gobyerno ay mas makabubuti sa lahat upang ang inaasahang pagtagal pa ng pandemyang ito ay maaari nating mapaikli sa iisang layunin.

Ang patuloy na tiwala at kumpiyansa ng liderato ng NTF at ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Mayor Benjamin Magalong ay patunay na epektibo siya at magiging epektibo pa rin bilang pinuno ng contact tracing team at ang mas nakararaming Pilipino na nagtitiwala sa kaniyang kakayahan sa aspetong ito.

Ang kaniyang pagkukulang at pagkakamali ay hindi dapat makaapekto sa kaniyang trabaho dahil higit sa lahat ang mas mahalaga sa ngayon ay mapuksa ang pagkalat ng sakit at mapangalagaan ang kalusugan ng bawat isang Pilipino. Saka na natin siya husgahan sa ibang pagkakataon, kung ito ang nararapat.