DepEd humihingi ng tulong sa nasunog na paaralan

LUNGSOD NG BAGUIO – Humihingi ng tulong ang Department of Education (DepEd)- Cordillera sa mga may mabubuting pusong indibiduwal o organisasyon sa muling pagpapatayo ng Indaoac Elementary School sa Tuba, Benguet o kahit magbigay ng pansamantalang silid-aralan para sa mga mag-aaral, bago ang pagbubukas ng pasukan sa mga pampublikong paaralan sa Hunyo 3.
Nasunog hanggang maabo ang nasabing eskwelahan noong gabi ng Mayo 1. Sinabi ni Georaloy Palaoay ng DepEd Cordillera Public Affairs division na ipinarating na nila ang ukol dito sa pamabansang tanggapan sa Manila.
“Ang pwedeng gawin, they can seek the help of the barangays (if ever temporary classroom can be provided by barangays). If they can use the barangay halls or portions of a house of good-hearted citizens as classrooms as temporary solution,” ani Palao-ay sa isang panayam.
“Right now, there is an immediacy of the need to have even temporary classrooms, we are calling on the community to help,” aniya.
Ibinahagi rin ni Palao-ay na katulad ng ginawa ng mga tao sa Kalinga nang maanod ang kanilang paaralan sa kasagsagan ng bagyong ‘Rosita’ Oktubre noong nakaraang taon, “the community there on their own way, helped each other to put up a temporary learning center”.
Sinabi niya na ang Benguet division ng DepEd ay humingi ng tulong mula sa UNICEF na humiram ng malalaking tents na ipinahiram nila sa mga paaralan sa probinsiya matapos ang bagyong ‘Ompong’ Setyembre ng nakaraan ding taon.
Sinabi niya na kailangan ng panahon para sa mga bagong istruktura na kailangang iprograma sa ilalim ng DepEd.
Inilabas ng Philippine Information Agency sa isang advisory ang apila ng tulong ni Henry Tinaza, head teacher ng nasabing paaralan.
“Parang awa niyo na, tulungan niyo kami, wala nang magagamit ang mga bata sa kanilang pagaaral sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 3”, apila ni Tinaza.
Sinabi ni Tinaza na agarang nangangailangan ang paaralan ng construction materials upang muling maitayo ang paaralan na ginagamit ng mahigit 60 estudyante at apat na guro na naatasan sa multi-grade level na ina-apply sa nasabing eskwelahan.
Ang natitirang gusali na hindi nasunog ay isang maliit na istruktura na nagsisilbing storage at canteen ay hindi kayang gamitin ng mga mag-aaral sa panahon ng klase.
Sa paunang ulat ng Tuba Fire Station ay nakitang ang sunog na tumupoksa Indaoac Elementary School sa Sitio Indaoac, Tabaan Sur ay nagsimula sa silid ng principal na kumalat sa katabing mga silid kabilang ang Kindergarten Room, at mga silid-aralan ng Grade 1 at 2, Grade 3 at 4, Grade 5 at 6 at ang Home Economics room.
Tinataya ng BFP ang halaga ng nasira na nasa PhP5 milyon. Nagsisilbing presinto sa eleksiyon ang paaralan sa mga nakalipas na halalan, at gagamitin sana muli ito noong Mayo 13 kung hindi ito nasunog dalawang linggo bago ang eleksiyon.
 
PNA/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon