DRAGON TREASURE CASTLE BINUKSAN NA SA PUBLIKO

SOFT OPENING -Idinaos ang soft opening ng bagong atraksyon, ang Dragon Treasure Castle na matatagpuan sa Barangay Irisan,Baguio City, noong Pebrero 10.

Photo by Hubert Balageo/ABN


Isinagawa ang soft opening ng Dragon Treasure Castle, isang bagong pasyalan na inaabangan ng mga residente at
turista na matatagpuan Dragon’s Lair, Block 8, Jade Street, Irisville Subdivision Phase 2, Purok 20, Upper Irisan,
Baguio City, noong Pebrero 10. Ang kastilyo ay pagmamay-ari ni Terio Abalos Yubos, na nag-develop ng ideya upang protektahan ang Kissing Rock – isang makasaysayang lugar sa Barangay Irisan . Buwan ng Enero pa lamang ay mayroong ilang mga post sa social media na lumikha ng pagkalito sa pamamagitan ng pagmumungkahi na ito ay
bukas na sa publiko, na nagdulot ng maraming turista na pumasyal kahit na hindi pa tapos ang konstruksyon, na
humantong naman sa desisyon na buksan na ito sa publiko.

Ayon sa isang construction worker, halos sampung taon nang ginagawa ang kastilyo, samantala, ang dragon, na siyang pangunahing atraksyon nito, ay kasalukuyan pa ring ginagawa at inaasahang aabutin pa ng ilang taon bago
matapos. Ayon naman sa isang staff, maaaring pansamantalang isara muli ang kastilyo kapag ikakabit na ang dragon. Ito rin ang inaasahang magiging panahon ng kanilang Grand Opening. Ang mga bayarin sa pagpasok ay P165 para sa mga regular na bisita at P132 para sa PWD/senior citizen/ estudyante. Ang mga bayarin sa paradahan ay P50 para sa lahat ng sasakyan, maliban sa mga bus (P100) at motorsiklo (P30). Ayon sa kanilang opisyal na Facebook page, kinakailangan munang dumaan ang mga bisita sa Gate 1 bago makapasok sa Gate 3, kung saan
matatagpuan ang Dragon Treasure Castle. Matatagpuan ang bagong pasyalan malapit sa iba pang mga pasyalan sa Baguio City at nagbibigay-daan sa mga bisita na masilayan ang magandang tanawin na kung tawagin ay
“Sea of Clouds”.

Jhawe Saldaen/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon