Firecracker-related incidents sa CAR bumaba ng 53%

CAMP BADO DANGWA, La Trinidad, Benguet – Sa kabuuan ay may 53 porsiyento na pagbaba ng mga insidenteng may kaugnayan sa mga paputok ang naitala ng Police Regional Office Cordillera (PROCor) at Department of Health (DOH)-CAR mula Disyembre 16, 2018 hanggang Enero 1, 2019 kumpara sa parehong panahon ng nakaraang taon.
Sinabi ni PROCOR Regional Director, PCSupt. Rolando Nana na ang pinaigting na kampanya ng PNP laban sa ilegal na mga paputok at pyrotechnic devices at ang 24-oras na pagpapatrolya ng police lalo na noong bisperas ng pasko at bagong taon ay nakatulong ng malaki sa pagbaba ng mga kaso ng paputok sa rehiyon.
Noong nakaraang taon ay nakapagtala ang PNP Cordillera ng 19 insidente sa rehiyon mula sa lahat ng probinsiya kabilang ang lungsod ng Baguio habang ngayong taon ay siyam lamang ang naitala mula sa probinsiya ng Abra at Ifugao.
Lahat ng siyam na biktima na may edad pito hanggang 34 taong gulang ay nagtamo ng minor injuries mula sa pinaghihinalaang mga paputok gaya ng boga, bawang, kwitis, piccolo at 5-star. Dinala ang mga biktima sa mga pinakamalapit na ospital subalit agad ding pinalabas matapos magawaran ng karampatang lunas.
Samantala, inaresto ng Kalinga police noong Enero 2 sina John Lerry Tuboran, 26 at Aznodine Sulta, 23 matapos mahuling nagbebenta ng mga ilegal na paputok sa Dagupan Sentro, Tabuk City. Nakumpiska mula sa mga suspek ang 14 pakete ng “pla-pla” na naglalaman ng 100 piraso bawat isa.
Nasa kustodiya na ng Kalinga police ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 7183 o “Firecrackers and other pyrotechnic devices laws of the Philippines”.
Sa kabilang banda ay nakakumpiska ang Baguio City police ng 140 piraso ng luces, 500 piraso ng 5-Star, 19 piraso ng iba’t-ibang fountains, 192 piraso ng sparklers, 400 piraso ng piccolo at siyam na kahon ng party pack fireworks habang nagsasagawa ng anti-illegal selling of firecrackers and pyrotechnic devices sa lungsod.
Walang nahuling nagbebenta dahil agad nagtakbuhan ang mga vendors nang makita na paparating ang mga police at iniwan na lamang ang kanilang mga paninda para makaiwas na maaresto.
Sinabi ni PCSupt Nana na may kautusan sa lahat ng field commanders na mahigpit na imonitor ang pagbebenta ng ilegal na paputok sa rehiyon at kapag may nalamang may nagbebenta ay tugunan ito nang maayos.
Kaugnay nito, ang kampanya sa loose firearms ng PNP at ang 100 percent personnel on duty sa panahon ng bisperas ng Pasko at Bagong Taon ay nakatulong din sa pagkakaroon ng zero incident sa indiscriminate firing. Noong nakaraang taon ay isa lamang na insidente ang naiulat kung saan naaresto ang suspek sa pagpapaputok.
Idinagdag din ng regional director na ang PROCor ay nananatiling nasa full alert status hanggang may kautusan at mahigpit na makikipagtulungan sa DOH sa patuloy na monitoring ng firecracker-related incidents lalo na at hindi pa natatapos ang selebrasyon.
PMCJr/ABN

Amianan Balita Ngayon