‘Frost’ hindi dahilan na itaas ang presyo ng gulay-DA

LUNGSOD NG BAGUIO – Nagbabala ang Department of Agriculture-Cordillera laban sa mapagsamatlang middleman o trader na walang dahilan para magtaas ng presyo ng gulay, dahil sa napapaulat na “frost” ngayong panahon ng tag-lamig.
Nilinaw ni DA Officer in charge Dr. Cameron Odsey sa publiko na nananatiling maganda ang suplay ng mga highland vegetables sa merkado at stable ang mga presyo nito.
Aniya, ang sinasabing frost o andap na nakakasira sa gulay ay napakaliit na bahagi lamang ang apektado sa rehiyon at kung may andap ay alam na ng magsasaka ang kanilang gagawin para mapigilan ang pagkasira ng kanilang pananim.
Nangyayari ang frost kapag bumababa ang temperature at malimit itong nararanasan sa bahagi ng vegetable farm sa Barangay Paoay, Atok, Benguet.
Sa oras na nasira ang panglabas na mga dahoon ay aalisin lamang ng mga magsasaka ang mga ito at ang mga natitirang dahon ay maaari pang maibenta, ayon pa kay Odsey.
Sa mga nakaraang taon ay may mga ulat ng andap sa Madaymen, Kibungan at sa Mount Santo Tomas sa Tuba, Benguet.
Upang mapahupa ang mga pangamba ng kakulangan ng suplay ay binigyang-diin ni Odsey na nangyayari lamang ang andap sa isang maliit na lugar at walang masamang epekto sa suplay ng gulay o magiging sanhi ng pagtaas sa presyo.
Ayon kay Odsey, “Hindi totoo na nagkukulang ang supply kapag may frost kaya tumataas ang presyo ng gulay, walang katotohanan yun.”
Nagbabala rin si Odsey sa mga negosyante ng gulay na huwag samantalahin ang andap para itaas ang presyo ng mga gulay at nananawagan sa local media na tulungan sila na maipagbigay-alam sa publiko hinggil sa katotohanan ng andap at hindi dapat pagmulan ng sindak.
Ang Benguet ay ang pangunahing pinagmumulan ng highland vegetables. Sa 13 bayan dito, ang mga gulay na pang-komersiyo ang dami ay nagmumula sa mga munisipalidad ng Atok, Buguias, Mankayan, Tublay, Kabayan, Kibungan at ilan sa Bokod, La Trinidad, Kapangan, Bakun, Sablan, Tuba at Itogon.
Base sa tala ay nakapag-ani ang Benguet ng pinagsama-samang 50,788 metric tons ng iba’t ibang gulay noong 2017.
Noong 2018 ay bumaba naman ang produksiyon sa 42,729 dahil sa serye ng mga kalamidad na naranasan ng probinsiya mula Hulyo hanggang Nobyembre.
Ayon pa kay Odsey, ang highland vegetables ay itinatanim din sa bayan ng Bauko sa Mountain Province gayundin sa Tinoc, Ifugao na kalapit lamang ng Benguet na dumaragdag sa produksiyon ng lalawigan.
Sinabi naman ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na ang andap ay maaaring maranasan sa Atok dahil bumababa ang temperatura mula walo hanggang 10 degrees Celsius.
ZALDY COMANDA at LITO CAMERO JR/ ABN

Amianan Balita Ngayon