Driver ng ambulansiya patay sa pamamaril

Isang driver ng ambulansiya ang patay sa pamamaril sa Barangay, Namit-ingan, Dolores, Abra noong tanghali ng Enero 17.
Kinilala ang biktima na si Larry Tanura Baldemor alyas “Aning”, 45, isang driver ng ambulansiya sa munisipalidad ng San Juan, Abra at residente ng Namit-ingan, Dolores, Abra, habang kinilala rin ang suspek na si Arnel Tagudar, 32, may-asawa, residente ng parehong lugar at pinsan ng biktima.
Ayon sa imbestigasyon ng Dolores MPS ay nag-inuman ang biktima at suspek sa bahay ng isang Cristin Jane at nagkaroon diumano ng mainit na pagtatalo ang dalawa dahilan para sampalin ng biktima ang suspek. Umuwi si Tagudar at bandang 11:45 ng gabi ng parehong araw ay umuwi rin ang biktima at matapos ang ilang minuto ay isang putok ng baril ang narinig at nakita ng mga residente ang biktima na tumatakbo sa daan at natumba sa harap ng bahay ni Punong Barangay Noli B. Turqueza. Itinakbo ng mga residente si Baldemor sa Dolores Medical Hospital subalit idineklara itong patay na ng tuminging doctor sanhi ng isang tama ng bala ng baril (siyam na butas ng pellet) sa bandang ibaba ng kanang tiyan at kaliwang braso.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang black Samsung (keypad) cellphone ng biktima habang nakarekober naman ang SOCO ng isang 12 gauge na basyo. Inimbitahan si Tagudar para sa imbestigasyon at paraffin casting kasama ang isang Ronald Baldemor na nakasaksi sa insidente.
PMCJr

Amianan Balita Ngayon