Gasolinahan sa Ifugao, ninakawan

Masusi pa ring iniimbestigahan ang pagnanakaw sa isang gasolinahan sa Lagawe, Ifugao kung saan tinangay ng hindi pa nakikilalang kawatan ang koleksyon na mahigit P300,000.
Ang insidente ay iniulat ng may-ari ng Petron Gasoline Station na matatagpuan sa JP Rizal Avenue, Poblacion East, Lagawe, Ifugao sa pamamagitan ng isang tawag sa himpilan ng pulis sa Lagawe bandang 7:45am ng Mayo 14, 2018.
Ayon kay Jose Mondiguing, may-ari ng gasolinahan, at residente ng Lamut, Ifugao, ang koleksiyon nila ng Mayo 13, 2018 na nagkakahalaga ng humigit kumulang P317,000 ay nawawala.
Sa imbestigasyon, bandang 8pm ng Mayo 13, isinara at ini-lock ang opisina bago umalis si Danny Logomna Baluna, 23anyos, empleyado at trustee ng susi ng cashier’s office ng nasabing gasolinahan, at residente ng Sitio Alanit, Abinuan, Lagawe, Ifugao.
Umaga ng Mayo 14, nadiskubre ni Baluna na ang koleksiyon ay nawawala. Gayunpaman, walang nakikitang sapilitang pagpasok.
 

Amianan Balita Ngayon