HALAGA NG BASURA SAGABAL SA LAYON NG R.A. NO. 9003?

Lumipas ang mahigit 20 taon mula ng ipasa ang Republic Act No. 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, ang pamamahala sa basura ay nananatiling isang malaking isyu sa bansa ayon sa Commission on Audit (COA). Sa kamakailang audit report nito ay sinabi na may kabuuang 9.07 million metric tons ng basura ang nalikha sa mga munisipalidad para sa taong 2006 at ang bilang na ito ay totoong umakyat sa 16.63 metric tons noong 2020.

Base sa mga pagtatantiya, ang solid waste sa mga munisipalidad ay tataas sa 19.76 metric tons sa 2030 at aakyat ng 24.5 million metric tons sa taong 2045. Sinabi ng COA na kung may di-nagbabagong bilis ng paglikha ng basura, ang produksiyon ng solid waste ay magpapatuloy na dumami sa mga darating na taon at mawawalan ng halaga ang hangarin na bawasan ang basura.

Binigyandiin sa ulat ng COA na ang distribusyon ng paglikha ng basura ay magkaiba mula sa kalunsuran at kanayonan, dahil sa mas maraming basura ang nalilikha sa mas maraming may populasyon na mga lungsod at munisipalidad. Sa Metro Manila, ang nalikhang basura ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ay nakalikha ng kabuuang 6,499,825.00 cubic meters noong 2015.

Matapos ang limang taon, noong 2020 ay tumaas ang basura sa 22,003,784.58 cubic meters
at base sa anim na taon na peryodo mula 2015 hanggang 2020 ay tumaas ang paglikha ng basura
ng 33.36 porsiyento, o 5.56 porsiyento taun-taon. Ang isa sa mga pangunahing layunin ng RA 9003 ay bawasan ang basura sa pamamagitan ng pagpigil, pagbawas, at pag-recycle. Tinukoy ng COA na ang mga ugat na dahilan ng pagkabigo sa matagumpay na implementasyon ng batas ay ang pagdami ng populasyon at paglaganap ng Covid-19, at iba pang bagay.

Tinukoy din na nananatiling ignorante ang mga Pilipino hinggil sa tamang mga proseso ng pag-recycle dahil may kakulangan ng impormasyon at mga pag-aaral. Sinabi rin na hindi sapat ang solid waste facilities na makakatulong ilayo at ligtas na itapon ang solid waste, at ang mga naninirahan sa kalunsuran ay nananatili ring lubhang nakadepende sa mga minsanang-gamit na mga bagay. Isa pa, patuloy pa rin daw na tumatanggap ng mga angkat na basura mula sa mauunlad na bansa.

Ayon sa COA, may ilan ding local government units (LGUs) ang gumawa ng mga hakbang upang turuan ang kanilang mga nasasakupan hinggil sa solid waste management. Sa nakalap nilang mga panayam sa mga LGU, ang pagpapalit daw sa pag-uugali ng mga tao ay mahalaga sa isang matagumpay na programa sa pag-iwas sa basura, subalit ang pagpihit tungo sa positibong pagtanggap ng lipunan at responsibilidad ay nananatili ring hamon para sa mga LGU.

Nagbabala pa ang COA na maliban kung ang mga nasabing dahilan ay natugunan, ang epekto ng higit pang lawak ng paglikha ng basura ay magreresulta sa inaasahang nagagawang basura taun-taon na 19,764,384.95 metric tons sa taong 2030 hanggang 24,499,946.53 metric tons sa 2045.
Iniuutos ng Section 32 ng R.A. 9003 na: “Dapat mayroong naitatag na Materials Recovery Facility (MRF) sa bawat barangay o kumpol ng ga barangay.

Dapat maitatag ang pasilidad na isang pag-aari o inuupahan ng barangay o anumang angkop na bukas na lugar na tutukuyin ng barangay sa pamamagitan ng Sanggunian nito.” Isinasaysay ng batas ang isang MRF bilang isang pasilidad na kabilang ang isang solid waste transfer station o sorting station, drop-off center, isang composting facility at isang recycling facility. Subalit hanggang ngayon, ang matagal ng kinakailangang paglalagay ng isang MRF ay mailap pa rin sa maraming barangay.

Sa lungsod ng Baguio ay tinitingnan ng lokal na gobyerno na isapribado ang pamamahala ng solid waste nito habang ninanais na bawasan ang gastos sa mga operasyon sa paglipat ng mga hindi nabubulok na basura sa isang private sanitary landfill sa labas ng lungsod. Ayon sa pag-aaral ay makakatipid ang lungsod ng PhP45 milyon sa panukalang pagsasapribado ng koleksiyon at paghahakot ng basura mula sa pinanggalingan tungo sa landfill. Sa nakaraang taon ay gumastos ang lungsod ng mahigit PhP186 milyon sa pamamahala ng basura.

Mula 2015 hanggang 2022, ang dami ng solid waste ng Baguio na kailangang itapon sa landfill ay tumaas sa 501 tonelada mula sa 402 tonelada. Nagpatupad na ang GSO Solid Waste Management Division ng mga pagsisikap sa paglipat upang mabawasan ang dami ng solid waste na hinahakot sa
Tarlac. Nitong nakaraang taon at nakalikha ang lungsod ng mahigit 581 tonelada ng solid waste
para maitapon ngunit 69% ang nailipat sa pamamagitan ng mga MRF at naiwan lamang ang 179
tonelada na hinakot sa landfill.

Bahagi ng panukalang pagsasapribado sa operasyon ng solid waste management ay ang amyendang taasan ang garbage fees na ayon kay Mayor Magalong ay tanging paraan upang madisiplina ang publiko na bawasan ang kanilang basura. Nawa’y ang hakbang na ito ay sa ikabubuti at huwag angalan. Suntok sa buwan ang pangarap na zero waste, ngunit ang mabawasan ang basura ay kapuwa responsibilidad ng gobyerno at mga tao na maaaring makamit.

Amianan Balita Ngayon