SUGOD LANG?

PATINDI ng patindi ang covid sitwasyon nitong mga huling araw. Walang araw na nagdaan na hindi pinalampas ang ating mga eksperto sa kalusugan sa paglalahad n gating pambansang kundisyon. Para bagang, kinokundisyon tayo na ang huling hantungan ni Covid ay malayo pa, hindi masupil-supil, hindi matinag-tinag. Kunsabagay, hindi maikakaila na dapat pa ring ikabahala ang mga tumataas na kaso ng hawahan. Pati mga naoospital dahil sa pagkakahawa ay umaakyat na rin.

Matatandaang mismo ang World Health Organization ang siyang naglahad na hindi na global health emergency si Covid sa isang pamamaraan na tila urung-sulong ang dating sa karamihan sa atin. Eh kasi naman, sasabihing wala ng pandemyang katatakutan sa buong mundo, pero patuloy pa rin ang babala. Kung wala na, bakit dito sa Pinas, binabalaan naman tayo ng walang humpay na pagtaas ng mga bagong kaso. Unawain natin ang mga pangyayari. Ang pinakahuling bersyon nya.

Nabansagan na XBB, ay isang mutated viral form na mula pa noong isang buwan ay nagsimulang manalasa sa iba’t ibang lugar sa Asya kung saan kabilang ang ating mahal na ‘Pinas. Ang sabi, si super-variant XBB ay mula sa Omicron na isang bagong panganib na hinaharap ng sangkatauhan. Kasama syempre ang Pinoy at Pinay na tila dedma at walang pagkabahal na binabalikat ang sangkatutak na problema ng buhay.

Noon pa man, pinayuhan na tayo na maging mapagmasid, at sundin ang mga pangunahing panuntunan para na rin sa ating kalusugan. Ayon sa huling paglalahad, nasa higit 30% na ang inakyat ng positivity rate, isang kagulat-gulat na pagbulusok sa loob lamang ng ilang araw. Dati ay nasa mga 500 lamang ang average case count sa buong bansa. Biglaan, naging 1,500 plus na. Nitong nakalipas na ilang araw, pangunahing balita pang kalusugan ang sumasambulat sa atin,
nakikipag-eksena sa mga byaheng Merika at Inglatera ng ating Punong Abala ang hindi malupig-lupig na virus.

Bukas makalawa, aagawin na naman ng eskapong mambabatas ang ating kamalayan at baka mawawala na naman sa ating kamalayan si Covid. Ano ba talaga? Tapos na ang global emergency, pero dapat pa ring kabahan, dahil nandyan pa si XBB, at wala parin ang super vaccine na matagal ng ikinakalat sa mga mayayamang bansa? Hilong-hilo na tayo sa kaiisip. Noon pang Enero ngayong taon, ang buong akala ng lahat ay tiyak nga nalalapit na sa huling hantungan si Covid. Lahat na ng mga naunang mga paghihigpit sa galaw ay tinanggal na nga.

Ang mga lockdown na syang pananggalang sa kalusugan nitong mga halos ay tatlong taong singkad
ay iwinasiwas ng tuluyan dahil nga ibinabalanse ang pambansang pangangailangan ng buhay at hanapbuhay. Madalas ngang sinasabi ng mga eksperto na wala ng peligro ke covid, kaya dapat ng saklawin ang agos ng buhay, ituloy ang pag-ahon mula sa dilubyong dulot ng pandemya. Pero, ngayon nga ay kakabakaba na naman tayong esep-esep dahil litong-lito. Kasi nga, kakaiba si XBB, higit na mabilis na humawa, at malamang – dahil sa lomolonong mga bagong kaso – dapat pangilagan tulad n gating pagkatakot sa mga naunang mga anak ni Covid, tulad ng Delta na syang pinakamatindi sa mga nanalasa sa atin.

Isang panawagan: Mag-ingat na lamang tayo, lalo na ang mga matatanda at mga indibidwal na
may maselang karamdaman, na itinatayang syang mga unang tatamaan ng panibagong pagkakahawa. Ang bagong banta ay nandyan, naghahanap ng mapupuksa, mahahawahan. Hindi kataka-taka, baka bumalik tayo sa panahong dobletriple ang pag-iingat na ginawa sa araw-araw nang si Delta ang nanalasa sa atin. Meron pang dapat na alintahanin: Alam na natin ang ugaling Pinoy. Ubo-ubo, siponsipon ay ipinagwawalang bahala.

Papa-ospital ka pa ba? Pahinga lamang daw ang kailangan. Lilipas at lilipas din iyan. Sa ngayon, kailangan lamang ang pag-iingat. Ang mga sariling pamamaraan upang bigyang proteksyon ang sarili. Kung bakunado na at boostered pa, why worry, ika nga. Hugas-kamay, Wastong distansya sa kapwa. Muling pagsusuoot ng face mask sa mga matataong lugar, lalo na sa mga indoor setting — mga pampublikong sasakyan, mga pinapasyalang shopping center at mall. Ang mga paraang ito ay mga pansariling kaligtasan. At kaligtasan ng mga mahal sa buhay.

Dapat nga bang kabahan? Bakit hindi, eh higit na mabangis daw si XBB kaysa ke Delta. Supervariant itong bagong banta, kaya dapat ang nararapat, ang pagtunggali sa kakaibang virus na
tila tuloy-tuloy lamang ang panganganak mula ke Covid. Yung Super-Vaccine na sinasabing epektibo, paratingin na sa atin. Iturok na bilang Booster No. 3. Iba na ang nag-iingat. Hindi tayo Superman at Wonder Woman na kayang sumalag sa bagong hagupit ni Covid. Nandyan pa sya, may bagong banta, naghihingalo pero matindi pa rin ang hampas ng kanyang bagsik. AngatTayoBaguio, dyan tayo may progreso!

Amianan Balita Ngayon