Higit P68,000 halaga ng alahas, ninakaw ng kasambahay

Inireklamo ng isang amo ang kanyang kasambahay na hinihinala nitong nagnakaw sa kanyang alahas sa tanggapan ng Baguio City Police Office noong umaga ng Setyembre 26, 2017.
Sa ginawang imbestigasyon ng pulis, ang biktima na kinilalang si Marjorie Dizon Ocon, 34, at residente ng Sunflower Street, Lexberville Subdivision, Sto. Tomas Proper, Baguio City, ay nadiskubre na ang kaniyang iba’t ibang alahas na nakalagay sa jewelry box sa closet ng master’s bedroom ay nawawala.
Pinaghinalaan ng biktima ang suspek na si Ritchelle Tagam Obsioma, 31, stay out house helper at sales lady, at residente ng Sariling Sikap, San Carlos, Irisan, Baguio City at AF-06 North Sanitary Camp, Baguio City, na siyang naglinis sa bahay ng biktima noong Setyembre 15.
Salaysay ng biktima, nagpunta ito sa Malcolm Square kung saan nagtatrabaho ang suspek dakong 1pm ng Setyembre 23 upang komprontahin ito tungkol sa alahas.
Iniabot naman ng kasambahay ang isang resibo ng IslandPhil Pawnshop sa General Luna kung saan isinangla nito ang mga alahas. Nakalagay sa resibo ang petsang September 3, 2017 at inamin diumano ng kasambahay na kinuha nito ang dalawang pares ng alahas noong September 2 at isinanla kinabukasan sa nasabing pawnshop.
Inamin din diumano ng kasambahay na kinuha nito ang iba pares ng alahas noong September 15 at ibinenta sa Kayang Street, Baguio City noong September 19. Ang iba pang kinuha ng suspek ay isang pares ng 2.3 grams 18K ID bracelet na nagkakahalaga ng halos P7,000; isang set ng 22K Saudi gold dangling earring – P15,000; isang set ng 18K stud earring – P4,000; isang set ng 18K necklace na may pendant na white gold P3,800; isang set ng 18K necklace na may pendant na yellow gold P6,500; isang set ng sapphire ring at earring – P18,000; isang set ng 14K RLY na may tatlong Chispas colored stone – P6,000; isang set ng 14K necklace na may pendant na yellow metal at limang chispas – P3,000; at isang Sony Ericson Cellphone na kulay itim, P5,000.
Lahat ng nakuha ay nagkakahalaga ng halos P68,300.
Ang kaso ay ipinila sa Prosecutor’s Office.

Amianan Balita Ngayon