Ifugao PPO, naglunsad ng One Time Big Time Operation

IFUGAO – Naglunsad ang Ifugao Police Provincial Office (IPPO) sa ilalim ng liderato ni PSSUPT Constancio T. Chinayog Jr., Provincial Director ng One Time Big Time operation, noong Setyembre 12 ng pagpapatupad ng sabay-sabay na pagseserbisyo ng warrants of arrest, search warrants, at enforcement of special laws na layong hadlangan ang mga kriminal sa paggawa ng labag sa batas.
Nagresulta ng 16 na pag-aresto ang isinagawang 23 warrants ng IPPO sa mga wanted persons ng probinsiya.
Sa operasyon ng tracker teams ng Alfonso Lista MPS at Provincial Intelligence Branch (PIB) kasama ang augmented IPPSC personnel sa pamumuno ni PSInsp Edwin P. Fucasan na nagserbisyo ng 15 warrant of arrests at nagresulta sa pagkakahuli ng limang wanted persons para sa krimeng two counts of grave coercion, apat na wanted persons sa grave coercion, isang wanted person sa paglabag ng Sec. 68 ng PD 705 o ang ‘Revised Forestry Code of the Philippines’ at isang  wanted person charged sa two counts ng attempted homicide.
Gayundin ang tracker team ng Lamut MPS sa pamumuno ni PSInsp Edgar L. Tapo, COP kasama ang Provincial Investigation and Detective Management Branch (PIDMB) sa pangunguna ni PCInsp Ayson P. Tenenan, OIC, PIDMB ay nakaaresto ng dalawang wanted persons na may warrant para sa krimeng robbery with violence against o intimidation of persons, at reckless imprudence resulting in damage to property.
Bukod dito, ang pinagsanib na elemento ng PIDMB, PIB, Kiangan MPS at Asipulo MPS sa pamumuno ni Tenenan ay nakaaresto ng isang wanted person na may warrant sa paglabag ng RA 9262 o  ‘Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004’, at Concubinage at isa pang wanted person sa krimeng Acts of Lasciviousness.
Ang tracker team naman ng Aguinaldo MPS sa pamumuno ni PI Danilo Sadural Rubio, officer-in-charge, ay nakaaresto ng isang wanted person sa krimeng Acts of Lasciviousness in relation to RA 7610, o ‘Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act’.
Sa kanilang accomplishments sa PD 705 ay nakabawi ang Lagawe MPS at Asipulo MPS ng 56 piraso ng assorted sizes ng inabandonang natistis na lumber na tinatayang may kabuuang 397 board feet.
Dahil sa malawakang information dissemination sa loose firearms ay 7 assorted firearms ang boluntaryong isinuko at apat na assorted firearms na may expired licenses ang boluntaryong isinuko at idiniposito sa Lamut MPS para sa safekeeping.
Samantala, ang mga personnel ng Kiangan MPS ay nagsagawa ng OPLAN ‘Galugad’ na hanay sa OPLAN ‘Greyhound’ ng BJMP sa District Jail, Tiger Hill, Baguinge, Kiangan, Ifugao na nagresulta sa kompiskasyon ng improvised na matatalim na bagay, mga kutsilyo, kable ng kuryente, lighters, concrete nails, mga gunting at iba pang delikadong bagay.
Nagpapatunay lamang ang accomplishments na ito ng dedikasyon at pangako ng PNP-Ifugao na magbigay hustisya sa mga biktima ng krimen at linawing hindi kailanman makakatakas ang mga kriminal sa mahabang kamay ng batas.

Amianan Balita Ngayon