IKA-126 ANIBERSARYO NG ARAW NG KALAYAAN, ISANG PAGDIRIWANG O ISANG BAKASYON

Ginugunita ng Pilipinas ang bawat ika-12 ng Hunyo bilang deklarasyon ng “kalayaan” mula sa Espanya noong 1898 kung saan ito ay naukit sa bato dahil sa lumakas na himagsikan ng mga Pilipino laban sa mananakop na Kastila noong 1896. Ang mahigit tatlong siglo na rehimen ng Espanya sa Pilipinas ay nagbukas sa naglalagablab na paghahangad para sa kalayaan ng mga rebolusyonaryo na puspusang nakipaglaban upang gawing republika ang
Pilipinas at isang kanlungan ng demokrasya. Maaaring nakamit muli ng Pilipinas ang soberanya mula sa mga bansa na minsang namahala nito, ngunit ganun na ba talaga tayo kalaya? Naibalik na kaya natin ang demokrasyang hinangad at inilatag ng ating mga bayani?

Subalit marami pang dapat gawin bago maging tunay na malaya ang ating bansa. Nananatili pa ring nakagapos ang ekonomiya ng Pilipinas sa kapritso ng monopolyang kapital ng dayuhan, patunay ang pagdepende sa mga pag-angkat mula sa ibang mga bansa at itinuong iluwas ang mga yaman at trabaho sa ibang mga bansa. Ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay pangunahing lumilikha ng mura, semi-skilled na trabaho para sa pandaigdigang merkado. Natututo ang mga estudyante ng mga kasanayan na punan ang mga trabaho na magsisilbi sa mga banyagang kompanya, gaya ng mga call center o kontraktwal na trabao at special processing zones at gayundin naitutulak ang mga mag-aaral na maghanap ng trabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng labor export policy.

Lumalala din ang masyadong pamumulitika sa bansa kung saan tila nakakalimutang pagtuunan ng pansin ang mga
seryosong alalahanin ng bansa. Ang hindi masawatang korapsiyon sa lahat ng antas at ahensia ng gobyerno ay patuloy na yumuyurak sa tunay kahulugan ng pagiging isang malayang bansa at mamamayan, na kalimitang ang nasa mga laylayang Pilipino ang umiinda ng mga hagupit ng pagiging gahaman ng iilan. Ang patuloy na pangingialam ng ibang mga dambuhalang bansa at mga pag-uungusan nila ay tuwirang naiipit ang Pilipinas na kayangkayang ipaling ng mga interes ng mayayaman at makapangyarihang mga bansang ito.

Isa pa marahil sa mga dahilan kung bakit masasabi nating hindi pa lubos na malaya ang mga Pilipino ay ang katotohanan na karamihan sa atin ay bilanggo pa rin negatibong kaisipan. Nakukubabawan tayo kawalan ng kumpiyansa at kung nais nating maging malaya sa bagay na ito ay kailangan itigil na ang paninisi sa kasaysayan. Kailangan nang humakbang pasulong dahil hindi na natin maibabalik ang ating nakaraan bagkus maaaring baguhin ang kasalukuyan. Kailangang makilahok ang bawat isang Pilipino sa pag-unlad sa pagbabago ng kaisipan at malaman sa kaibuturan ng ating mga puso at kaisipan na tayo’y isang kahanga-hangang lahi.

Ang pagiging positibo kasabay ng kagustuhang matuto ng mga bagong bagay at mapayabong ang mga kakayahan na sa kalauna’y mababawasan o madaig ang kahirapan at korapsiyon – kung saan sa pamamaraang ito ay makaka-ambag tayo kahit sa maliit na paraan tungo sa isang tunay na malayang Pilipinas. Maaaring abutin pa ng ilan pang dekada at ilan pang mga henerasyon bago ang karamihan ng mga Pilipino ay makawala sa mga kuko ng kahirapan. Gayunpaman, hangga’t pinagmamalasakitan pa natin ang bansa at nagkakaisang handang tulungan ang bansang
sinilangan ay magiging kasangkapan tayo upang makamit ang tunay na kalayaan, sa ating kaloob-looban at lupang hinirang.

Sa kabila ng ating kahinaan, tunay na magkakaisa ang mga Pilipino sa mga panahon ng kawalan ng katiyakan, handing harapin ang anumang hindi magandang pangyayari at handang magsakripisyo para sa kapakanan ng ating mga susunod na henerasyon. Ngunit ang mas mahalagang tanong ay kung paano bigyan ng halaga ng mga Pilipino ang ideya ng kalayaan. Ipinapaalala ba nito sa kanila ang pagkamakabayan at nasyonalismo
na nakamit? Isang pagdiriwang ng kalayaan o isa lamang petsa ng isang bakasyon?

Amianan Balita Ngayon