Ilocos Norte, makakakuha ng P15-M na tulong mula sa DILG

LUNGSOD NG LAOAG – Ang third class municipality ng Solsona ang bagong benepisyaryo ng infrastructure program ng national government upang mapasigla ang pamumuhay ng mga mahihirap na komunidad.
Ayon kay Mayor Alexander Calucag noong Pebrero 16, sila’y nagagalak sa pagbibigay ng P15 milyong Assistance to Disadvantaged Municipalities (ADM) mula sa pondo ng Department of Interior and Local Government (DILG), kung saan magagamit ito sa pagpapatayo ng mga karagdagang farm to market roads sa mga malalayong barangay.
Ang bulubunduking bayan ng Solsona ay matatagpuan sa pinakasilangang bahagi ng probinsiya at kadalasang tinatamaan ng mga bagyo, na nagreresulta sa malalaking sira sa infrastructure tulad ng kalsada at tulay.
Sa budget allocation na P19.43 billion na nakalaan sa ilalim ng Republic Act No. 10924 o ang 2017 General Appropriations Act, inaprubahan ni President Rodrigo Duterte ang ADM program upang sumuporta sa long-term goals ng pamahalaan na itaguyod ang inclusive growth.
Ang programa ay gagamitin para sa pagpapagawa ng water system, evacuation facility, local access roads, small water impounding, at sanitation and health bilang coping mechanism upang matulungan ang municipal government na maserbisyuhan ang kanilang constituents na namumuhay sa mahihirap na komunidad.
Ang Solsona ay kabilang sa 1,373 municipalities na isinailalim sa ADM program. L. ADRIANO, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon