Ilang mag-aaral sa La Trinidad, nahulihan ng bawal na e-cigarette

Nakumpiska ang pitong electronic cigarettes (e-cigarette) at tatlong electronic liquid (e-liquid) sa ilang mag-aaral ng isang pribadong paaralan sa Pico Road, La Trinidad, Benguet noong ika-12 ng Pebrero 2018.
Ayon sa punong-guro ng paaralan, nakita ang mga ipinagbabawal na smoking device sa loob ng mga bag ng mga mag-aaral nang magsagawa ang security guard ng paaralan ng random inspection.
Umamin naman ang mga estudyanteng nahulihan ng mga ipinagbabawal na smoking device na nabili nila ang mga ito sa isang vape shop sa Bayabas, Pico, La Trinidad, Benguet.
Ang pagdadala ng mga smoking device sa loob ng paaralan ay mahigpit na ipinagbabawal at labag sa polisiya ng paaralan at sa Municipal Ordinance No. 8 series of 2014 o ang La Trinidad Anti-smoking Ordinance.
Dahil menor-de-edad ang mga nahuli, hindi sila maaaring ikulong. Ipatatawag ang kanilang mga magulang upang maipaalam ang pangyayari.
Ayon sa nasabing ordinansa, ipinagbabawal ang paninigarilyo at paggamit ng electronic cigarettes sa mga pampublikong lugar at mga establisimyentong pagmamay-ari ng gobyerno.
Ipinagbabawal ng ordinansang ito ang pamimigay o pagbebenta ng mga tobacco products at e-cigarettes sa mga menor-de-edad.
Hindi lamang nilalayon ng ordinansang ito na hulihin ang mga lalabag kundi pati na ang pagsulong ng malusog na pangangatawan at pangangalaga sa kapaligiran, na naaayon sa Clean Air Act ng bansa.
Ang mga mahuhuling lalabag sa ordinansang ito ay magmumulta ng  P1,500 para sa unang beses; P2,000 sa ikalawa; at P2,500 para sa pangatlo at mga susunod pa. Maaari ding makulong ang mahuhuling lalabag sa ordinansa nang hindi hihigit sa isang taon.
Noong nakaraang taon ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order 26 na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa buong bansa.
Ang mga mahuhuling lalabag sa nasabing batas ay papatawan ng karampatang parusa na naaayon sa Republic Act 9211 o ang Tobacco Regulation Act of 2003. RC BJON C. CATACUTAN, UB Intern

Amianan Balita Ngayon