Ilocos Sur pinaigting ang checkpoint operation laban sa ASF

LUNGSOD NG VIGAN – Pinaigting ng pamahalaang lalawigan ng Ilocos Sur ang checkpoint operations nito upang mapanatili ang estado ng probinsiya na walang anumang sakit ng hayop patrikular ang African Swine Fever (ASF).

Sinabi ni Ilocos Sur Governor Ryan Luis V. Singson na ang pamahalaang lalawigan sa pamamagitan ng local quarantine operatives ay mahigpit na ipinapatupad ang checkpoint operations sa pagpasok ng lahat ng uri ng karne at processed meat products sa lalawigan.

Ang hakbang ay upang masiguro ang kaligtasan ng probinsiya mula sa impeksiyon ng anumang sakit ng hayop gaya ng ASF.

“ Our province remains free from ASF disease or any animal disease,” ani Singson. Naglabas si Singson ng isang executive order na pansamantalang ipinagbabawal ang pagpasok ng buhay na mga baboy, pork at by-product sa probinsiya sa gitna ng mga ulat sa paglaganap ng sakit na ASF.

Kamakailan ay nakakumpiska ang pinagsamang mga operatiba ng police at quarantine office ng Ilocos Sur ng 700 kilo ng hot pork meat sa isang entrapment operation sa kahabaan ng national highway sa Barangay Catayagab, Sta. Lucia, Ilocos Sur.

Ayon kay provincial quarantine officer Martel Quitoriano, ang Toyota Hi-Ace van na nasabat sa pamamagitan ng hot pursuit operation matapos sagasaan ang quarantine checkpoint sa bayan ng Tagudin.

“The van had long been under surveillance after we received a report that it has been used for transporting hot meat to Vigan City,” ani Quitoriano. Habang isinasagawa ang inspeksiyon ay napag-alaman ng mga operatiba na ang karne ay galing sa Bulacan at ibiniyahe na walang shipping permits. Inilagay din ang karne sa walong maruming plastic drums.

Nasa kustodiya na ng mga police ang mga sakay ng van. Kinilala ng police ang mga ito na sina Neneth Santos, 38, negosyante at residente ng Barangay Upig, San Ildefonso, Bulacan at driver ng Toyota Hi- Ace van na ay plakang ZBY 146; kaniyang mga pasahero na sina Elizabeth Tomas, 54, negosyante at residente ng Poblacion, Valencia, Bukidnon; at Mark Jerome Igna, 37, negosyante mula Barangay Upig, San Ildefonso, Bulacan ngunit kasalukuyang naninirahan sa Barangay San Julian, Vigan City.

Sinabi ni Quitoriano na nahaharap sila sa kasong paglabag ng section 4 ng Provincial Ordinance Number 15-06, Series of 2015.

FGL,PIA1/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon