Isa patay sa salpukan ng 2 scooter sa Kalinga

Namatay habang nilulunasan sa ospital ang isang 35-anyos na lalaki matapos na bumangga ang minamaneho nitong scooter sa kasalubong na isa pang scooter dakong 6:20 ng gabi noong Agosto 20, 2017 sa provincial road sa Laya East, Tabuk City, Kalinga.
Ayon sa ulat ng Tabuk city police, tinatahak ng dalawang sasakyan ang naturang provincial road sa magkasalungat na direksyon. Ang Euro 110 black scooter na may plakang 4040 FZ ay minamaneho ni Danny Dalisay Miguel, 35, may-asawa, tubong Sta Ana, Cagayan at kasalukuyang nakatira sa Ay-en Subdivision, Dagupan West, Tabuk City, Kalinga, habang ang kasalubong na Rusi scooter na walang plaka ay minamaneho ni Kathleen Lagrio Coplaten, 19 anyos, single, walang driver’s license, estudyante, kasama ang back rider na si Leonarrine Gragasin Gamon, 14 anyos, single, estudyante, kapwa residente ng Sucbot, Pinukpuk, Kalinga.
Napag-alaman sa inisyal na imbestigasyon na matulin ang takbo ng Euro scooter nang lumihis at sinakop nito ang linya ng Rusi na nagbunsod upang mabangga ng Rusi ang Euro scooter.
Si Miguel ay ni-rescue ng tauhan ng Philippine Army sa pangunguna ni 2nd Lt Edgar Gangalen ng 50th Infantry Battalion na nagkataong dumaan sa pinangyarihan ng aksidente. Dinala ito sa Kalinga Provincial Hospital ngunit punaw dakong 6:45pm habang nilulunasan.
Ang dalawang babaeng teenager ay ni-rescue at dinala sa St Peter Claver Emergency Hospital at kalaunan ay inilipat si Coplaten sa Kalinga Provincial Hospital ng kanyang mga kaanak.
Ang dalawang sasakyan ay pansamantalang dinala sa Tabuk CPS.

Amianan Balita Ngayon