“ISALBA SA PAMBUBUSABOS ANG CORDILLERA MOUNTAIN RANGE”

Ibinuking mismo ng pamunuang bayan ng Sallapadan, Abra ang mineral exploration activities ng Yamang Mineral Corporation (YMC), subsidiary ng dayuhang kumpanyang FCF Minerals Corp. (FCF) ng London sa lupang ninuno ng mga katutubong Tingguian. Sa laki ng sinasakop ng “Authority to Verify Minerals” (ATVM) na iginawad sa YMC ng
Mines and Geosciences Bureau ng DENR (MGB-DENR) na umaabot sa 16,200 ektarya, abot hanggang sa mga bayan ng Licuan-Baay at Lacub ang pinangangambahang minahin kapag nasa-pinal ang permit nito upang maghukay ng ginto.

Ang masahol pa’y lingid sa kaalaman ng mga opisyal ng Abra, nag-umpisa na umanong gumalaw ang YMC gamit ang
ATVM nito nang walang kaukulang pahintulot ang mga katutubong Tingguian. Tiyak na ikakatuwiran ng YMC na hindi aktwal na pagmimina ang pagpapatupad ng ATVM, kundi exploration o paniniguradong may ginto sa 16,200 ektaryang lupain. Irarason ng YMC na hindi sisirain ang kapaligiran dahil wala pang pagmimina kundi maliliit na drilling activities.

Ngunit malaki ang pangamba ng mga katutubong Tingguian na kapag napayagang nakapag-umpisang mag-exploration ang YMC, wala nang makakapigil pang ituloy-tuloy ang pagmimina hangga’t maubos ang bundok, puno, at ginto sa kanilang lupang ninuno. Nararapat lang na pangalagahan ang bundok ng Cordillera dahil bukod sa
Sierra Madre, mahalaga ang 300 kilometrong haba at 90 kilometrong lapad na Cordillera Mountain Range na
bumabagtas sa kanluranin ng Luzon na may taas na 3,000 metro.

Gaya ng Sierra Madre, ang Cordillera Mountain Range ang proteksyon kontra sa matintinding bigwas ng mga
bagyong dadaan patungong Kanlurang bahagi hanggang West Philippine Sea. Pinapababa rin nito ng sampung
porsyento ang tinatawag na accumulated Tropical Cyclone wind-field energy sa Cagayan Valley at hanggang 30
porsyento sa Kanluran (Region 1) at Gitnang Luzon (Region III). Ganyan kaseryoso ang isyu at nais paimbistigahan sa Kamara ni Abra Congresswoman Menchie Bernos ang nakaambang pagmimina bilang pagtalima sa karaingan at kapakanan ng kanyang mga kababayan at pagtangan sa magiging epekto nito sa kalikasan.

Amianan Balita Ngayon