Isang linggong street art exhibit, gaganapin sa Baguio

Isang street exhibit at art workshop ang isasagawa ng Baguio artists sa huling linggo ng Panagbenga 2017.
Kasama ang Department of Tourism Rev-Bloom Project at ang Davies Paints, ang aktibidad na tinawag na Pasa-Kalye Art X-fusion ay isang fund-raising event para sa pagbuo ng kooperatiba ng Baguio artists.
Ang X-fusion ay magaganap mula Pebrero 25 hanggang Marso 5 sa T. Claudio Street kasabay ng Panagbenga Street Dancing, Float Parade at Session Road in Bloom.
Ang aktibidad ay dadaluhan ng mga artist mula sa Baguio, Manila, Rizal, at Bicol. Ito ay isang linggong serye ng art exhibit at workshop.
Ang mga artist ay magsasagawa rin ng isang art exchange sa huling araw ng okasyon kung saan ang mga non-artist ay maaaring makidalo at makisama. Ang non-artists ay maaaring makipagpalitan ng mga bagay na hindi bababa sa halagang P1,500 o cash.
Ipinahayag ng nag-organisa na si Maricar Docyogen ng Barista Creatives na ang okasyon na ito ay una lamang sa iba pang aktibidad upang makatulong sa paglikom sa pagpapagawa ng kooperatiba.
“We have several indigent talented artists that we want to help and one of the ways is to establish a Cooperative where they can loan art materials,” saad ni Docyogen.
“The Cooperative will also be the venue for these artists to sell their artworks, therefore, we will also be able to help them pay for their loans,” dagdag pa niya.
Ang mga artist ay magsasagawa ng mga workshops sa painting, sketching at basic drawing, sculpture, photography at marami pang iba. Ang mga workshop ay libre ngunit ang mga gustong sumali ay kailangang bumili ng kanilang sariling kagamitan, na maaaring mabili mismo sa pagdarausan na lugar.
Ang Lucky Sign Realty, Bookends Bookshop at Fred’s Gallery ang mga nag-isponsor sa naturang aktibidad. Sharmaine Florendo, UP-Baguio Intern/ may ulat si Carl Taawan / ABN

Amianan Balita Ngayon