Isyu ng banggaan ng barko, lalong umiinit!

Grabe na mga kabayan ang tensiyon dahil sa kontrobersyang banggaan sa West Philippine Sea (Recto Bank). Sa halip na humupa, lalo pa yatang nagliyab. Bakit? Maraming dahilan. Yan nga ang ating kaliskisan.

Nangyari ang eksena sa Recto Bank noong Hunyo 9, mga hatinggabi. Ang biktima: bangkang pangisda ng mga Pilipinong taga San Jose, Occidental Mindoro. Resulta: warat ang buntot ng kanilang bangka.

Suspect: Bangka o barko ng China. Buti na lamang buhay ang 22-tripulante o mga mangingisda kahit na iniwan sila ng barkong bumangga. Buti na lamang tumulong ang mga mangingisdang Vietnamese at sinagip ang ating mga kababayan.

Ang kasunod: mga sala-salabat na mga istorya. Mga litanya ng mga samotsaring pasaring, hataw, rekomendasyon at mga upakan na.

Pati nga ang nananahimik na si Pangulong Rodrigo Duterte, nakialam na rin. At matindi ang mensahe: isang maliit lang daw na insidente ang nangyari at di dapat palakihin pa na maaring magresulta ng mas malaking problema.

Ayaw ng pangulo ang gulo na magreresulta sa giyera dahil tiyak na talo ang Pilipinas. Umugong ang banat laban sa pangulo.

Sabi ni Sen. Lacson – malamya daw ang reaksiyon ni Pres. Duterte. Dapat daw ay mabigat na pagkondena sa ginawang pagbangga ng Chinese Vessel sa Bangka ng ating kababayan.

Dapat daw ay magpadala agad ng mga barkong pangpatrolya ang bansa natin sa WPS upang ipakita na galit tayo sa ginawa nilang pag-iwan sa mga biktimang mangingisda sa halip sanang tulungan at sagipin bilang laman ng batas-maritima.

May mga pulitiko ring bumanat kontra sa mensahe ni Pres. Duterte bagamat marami rin ang sumaludo sa kahinahunan ng pangulo.

Pero teka pards, sa pangyayaring ito na pumapapel na ang mga pulitiko, hindi kaya nahahaluan ng pulitika ang kontrobersiya?

Parang nasisilip na nating may mga taong gusto nang pumorma para sa 2022 election.

Umusad ang mga imbestigasyon. Ang kaso, dahil sa mga lumalabas na mga ulat sa media. Tuliro na ang taumbayan. Di na alam kung ano ang tama at mali.

Ang pinakahuli ay nang kumilos na ang DA sa pamumuno ni Sec. Piñol. Nag-usisa ito ng personal. Kinausap isa-isa ang mga apektadong mangingisda sa banggahan.

Lumabas na ang tagaluto o cook ng bangka ng team nila ang tanging gising nang patungo na ang barko ng Tsina sa kanilang bangka.

Agad niyang sinabi ito sa kanilang kapitan na noon ay nagpapahinga. Pero huli na ang lahat dahil tinamaan na ang kanilang bangka.

Inilawan pa daw sila ng bumanggang barko saka umalis. May nasabi pa ang cook na baka raw hindi sila nakita kaya nabangga sila. Pati na ang kapitan ng bangkang pangisda ay lito na rin at sinabing hindi siya nakatitiyak kung sinadya silang binangga o hindi, bagama’t ilan sa kanyang mga tauhan ang nagsabing sinadya silang binangga.

Pati na ang isyu na sila daw ay pinapatawag ni Pres. Duterte sa Malakanyang ay sumablay at walang katotohanan. Ang opisina pala ng DA ang gustong kumausap sa kanila.

Tsk tsk, palpak na ulat kaya nag-sorry ang kapitan kay Pres. Digong. Sa mga nangyaring ito, duwag ba ang Pilipinas? Maikli man ang mensahe ni Pres. Duterte, mabigat ang katuturan.

Tama siya na dapat tapusin muna ang lahat ng mga imbestigasyon upang malaman ang totoong nangyari. Doon pa lang ibabase kung ano ang dapat na hakbang.

May pahapyaw nga si Robin Padilla (loyalist ni Digong) na yung mga nagmamatapang at bumabatikos kay Digong, sila na ang magkusang lumaban at huwag idawit ang buong bansa.

Palagay namin, magtatagal hanggang eleksiyon ang kontrobersiyang ito, pards. Nakakabanas. Nakakainis at nakakairita na!

Amianan Balita Ngayon