Isyu sa oversupply ng gulay, nilinaw ng DA-CAR

LUNGSOD NG BAGUIO – Ang sinasabing oversupply ng gulay na nagresulta sa bagsak presyo, pagkabulok ng mga gulay at pagkalugi ng mga nagtatanim sa Benguet ay bunsod ng pagsasalubong ng magkakaibang dahilan na kinabibilangan ng epekto ng mga nagdaang bagyo at hindi nakaprogramang produksyon.
Ito ang paglilinaw ni Regional Executive Director Cameron P. Odsey, officer-in-charge ng Department of Agriculture-Cordillera (DA-CAR), sa isang opisyal na pahayag noong Enero 14.
Aniya, ang market glut o oversupply sa highland vegetables ay nangyari noong Disyembre 24, at 29 hanggang 31, 2018, at Enero 2 hanggang 7, ngayong taon.
Ayon kay Odsey, ang mga haka-haka at reaksyon mula sa netizens sa naturang pangyayari ay malayo sa katotohanan at kalaunan ay naka-ambag sa pagkakaroon ng oversupply sa mga naturang araw.
Ipinaliwanag niya na ang karaniwang pangunahing itinatanim na gulay sa huling quarter ng taon ay ang Chinese cabbage, carrots, at radish o labanos at ilang itinuturing na minor commodities ang itinatanim. Sa 4th quarter ng 2018 hanggang Enero 13, may kabuuang 25 hanggang 27 commodities (major at minor) ang namonitor na ibinibenta sa La Trinidad Trading Post.
Ang Chinese cabbage, carrots, at radish ay partikular na naitampok sa mga blogs at larawan sa social media na kasama sa overproduction at nagbunsod ng pagtatapon nito ng ibang apektadong farmers.
Ang kabuuang normal na produksyon para sa mga nasabing gulay batay sa pinagsama-samang ulat ng provincial local government unit (PLGU) ng Benguet ay 50,788 metric tons noong 2017.
Noong 2018, ang kabuuang produksyon ay 42,729 metric tons na bumaba ng 8,059 metric tons bilang direktang epekto ng pagsalanta ng mga bagyong Ompong at Rosita at ng habagat sa buwan ng Agosto.
Ani Odsey, normal lamang na ang mga nagtatanim ng gulay ay itinatakdang target ang panahon ng Kapaskuhan kung kailan mataas ang demand at maganda ang presyo ng mga maibebentang gulay. Pagkatapos ng holiday season ay nagsisimulang bumaba ang demand at mag-stabilize ang presyo ng mga gulay.
Aniya, maliban sa mga bagyong Ompong at Rosita na naging dahilan upang mabago ang production cycle at nagresulta sa naantalang pagtatanim at pakahuli sa nakatakdang pag-aani ng mga gulay, ang tropical depression Usman na tumama sa Visayas at Bicol Region sa huling linggo ng Disyembre ang nagpalala sa lagay ng pagbebenta ng gulay. Tinatayang 13 hanggang 15 porsyento o 180 metric tons ng mga gulay na inilalabas sa Cordillera kada araw ang napupunta sa Visayas at Bicol Region, paliwanag pa rin ni Odsey.
Dahil hindi pinapayagang bumiyahe ang mga barko at iba pang sasakyang pandagat sa kasagsagan ni Usman ay hindi nakapunta ang mga traders sa Benguet upang bilhin ang mga gulay na para sa Visayas at Bicol Region, na nakaambag sa oversupply ng gulay.
Ang nakaraang parada ng Black Nazarene sa Manila ay isang dahilan din upang hindi makapunta ang vegetable truckers sa Benguet Agri Pinoy Trading Center (BAPTC) para kolektahin ang mga gulay.
Maging ang pagsasara ng Kennon Road, ang pinakamabilis na ruta patungong Baguio City ay nakaambag din sa naturang problema dahil sa mas mataas na gastos sa pagbibiyahe ng highland vegetables at pagkawala ng gana ng mga traders bunsod ng malalang sitwasyon ng trapiko sa iba pang daanan lalo na kung holidays.
Paglilinaw ni Odsey, kakaunti lamang sa bilang ng mga magsasaka ang nagtapon ng kanilang mga inaning gulay dahil sa bagsak presyo nito. Aniya, isa lamang mula sa 20 na sasakyan ng mga gulay ang bumalik dahil sa baba ng presyo sa naturang panahon.
Isang validation team ng DA-CAR ang nag-ikot at kinapanayam ang ilang magsasaka noong Enero 11 sa pangunahing vegetable areas ng Benguet tungkol sa overproduction ng mga gulay at ang sinasabing pagkabulok nito. Tinatayang 27 farmers ang nakapanayam at kanilang barangays officials ang nagsabing nabigyan sila ng abiso ng traders na hindi makakapunta sa Christmas holidays.
Dagdag pa ni Odsey, bilang pagsunod sa utos ni Secretary Emmanuel F. Piñol, kasalukuyang isinasagawa ang validation process para kilalanin at mabigyan ng compensation ang mga insured farmers batay sa kanilang pagkalugi at “estimated value” ng gulay na itinapon nila.
Aniya, alam at naiintindihan ng karamihan sa mga magsasaka ang sitwasyon kaya nagkaroon ng oversupply ng gulay sa mga nabanggit na araw.
ABN

Amianan Balita Ngayon