KAARAWAN, KAHIHIYAN

PANSAMANTALA nating bigyang pag-galang ang mabunying kaarawan ng Baguio na ngayong araw ay ating ginugunita. Ito ang pang 115th na taon ng pagiging Charter City ng ating lungsod na pormal na itinatag ng mga
Amerikanong noon ay halos isang dekadang sinakop ang Baguio. Hindi ibig sabihin ay wala pang Baguio ng mga panahong iyon. Katunayan, ayon sa mga kasaysayang naisulat, halos limampung taon ng namamataan ng mga Kano ang ating lugar, na kasama sa mga tribong taga-bundok ng tinaguriang Montanosa ng mga Kastilang daan-daang taon din ang sumakop sa rehiyon.

Sa pananakop ng mga Kano, naipamahagi ang modernong pamamahala na nakasalalay sa Kalayaan at Demokrasya. Limampung taon ding namayagpag ang mga Kano sa pamamahala sa Montanosa. BIlang mga bagong tagapamahala, sila ang nagbigay kaalaman at kasanayan sa panahon ng Commonwealth, kabilang na nga ang mga taga-Baguio.

Sa ika-115th anibersaryo n gating pagkakatatag bilang isang lungsod, marapatg lamang na isaisip ang pagiging makasarili bilang isang Baguio na naisilang mula sa pinagsama samang dugo, pawis, at luha ng pagsisikap, upang bigyang buhay ang lungsod na hinubog sa imahe ng isang Washington D.C. o Chicago, ayon na rin kay George Malcolm, na ngayon nga ay may marker sa plazang ipinangalan sa kanyang pamamahala.

Ang nakaraan ay sinasabing puno ng mga liksyon upang gabayan ang paglalandas sa hinaharap. Ngayon ang panahon na kailangan pag-ibayuhan pa ang mga gawain sa kasalukuyan, mabigyan lamang ng pagkakataon upang mga darating na kinabukasan ay mapatingkad pa ang mga misyon at ambisyon. Pagtutulungan, pagsasaisip ng sama-samang pagpupunyagi – ang mga ito ang sasaklaw sa kasalukuyan, magisnan lamang ang hinaharap ng buong giting, buong galing at buong husay. Tibay ng dibdib. Tatag ng loob.

Hindi lamang ito mga payak na kataga, ngunit parang mga sulo na magbibigay liwanag sa patuloy na pagtahak sa mga daraanang landas. Maligayang kaarawan, Baguio! Nawa ay umigting pa ang samahan ng kapatiran mula sa mga namamahala hanggang sa mga pinamamahalaan. Diyan uunlad pa ang lungsod na ilang henerasyon din ang humubog sa kasaysayang hindiminsan ay nilumot ng kapabayaan. HALOS WALANG kapaguran ang mga pangyayari upang ang pangalan ay maikandong sa isipan.

Tunay na walang puknat at patuloy ang kampanyang puro mga paramdam, pabulong, pahimas himas na sadyang pinaiingay upang bigyan ng bagong kulay ang pag-tutunggali – at pagkamal ng boto sa isang halalang halos isang taon pa na gaganapin. Eh kasi nga naman, may hangganan ang pagpapakilala sa mga umaasang mabigyan ng
pagkakataon na mapabilang sa mga hanay ng lingkod bayan. Kaya hindi kataka=taka na walang puknat ang mga pagpaparamdam ng mga taong hangad din ay magsilbi sa tamang panahon.

Sa totoo lang, talaga namang hindi maiiwasan at mapipigilan ang mga ganitong uri ng pagpaparamdam. Ang
siste nga, nakikipagtimpalakan na ang mga kandidato, tuloy tuloy ang girian, gayung ang salpukan sa larangan ng
pulitika. Hindi mapigilan ang mga tinig na humuhulagpos, mga tinig ng kami rin inyong dinggin. Iba’t ibang tinig, kahit na mamaos ang boses, pero epektibo pa ring mga paramdam at parinig at paghaplos maiukit lang sa isipan ng mga botante.

PATI NA ang ayudang naging bukambibig sa mga panahong ito ay ginagamit ng tahasan at walang pakundangan. Mga barangay binibisita ng buong pwersa pwersa ng ngiti at halakhak, pwersa ng ayudang alam naman natin ay galing din sa kaban ng bayan. Ating buwis, na tahasan at walang pakundangan na isinasabog sa mga taong
naghihiyawan sa tuwa at galak. Pwede po ba, kaban ng bayan iyan, ayudang may pamamaraan ng pagpili kung sino ang karapat-dapat na nakalista.

Ang siste nga, kahit sino na ay pinipwersang maisama, maiparamdam lang na nanggaling sa sariling bulsa ng mga kandidatong mugto ang mata sa pagnanasa na maiukit sa isipan ng mga nabibiyayaan. Suriin nga natin ang mga
pangalang tila mga kabuting nagsusulputan. Tunay na matindi ang tawag ng pulitika. Kahit na isang taon pa ang
salpukan, sige na, pakawalan na ang mga atubili, maiparinig lang ang tinig, maiparamdam lang ang hangarin na kami pa rin, kami naman.

Ang nakakamangha, iisang pangalan ang pinatutunog ng ayudang walang kahiya-hiya ipinamamayagpag, masabi
lamang na nasa mga nagnanasa ang desisyon kung sino ang dapat bigyan. Maghunos-dili naman ang mga kandidatong iyan. Ayuda po yan na galing sa kaban ng bayan, hindi sa sarili nyong mga bulsang pinuno ng limpak
limpak, masabi lang na ang inyong puso ay kasing tapat, naguumapaw sa malasakit.

Amianan Balita Ngayon