Kahit maulan na, hindi pa rin tag-ulan ayon sa Pagasa

LUNGSOD NG BAGUIO – Sa kabila ng mga pag-uulan ay hindi pa opisyal na idinedeklara ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) kung kailan mag-uumpisa ang panahon ng tag-ulan ngayong taon.
Sa huling weather outlook ng Pagasa, maaring sa pangatlong Linggo ng Mayo hanggang unang Linggo ng Hunyo inaasahang opisyal na maidedeklara ang panahon ng tag-ulan kung kailan ay mararamdaman na sa buong bansa ang madalas na pag-ulan, ayon kay Pagasa-Cordillera weather forecaster Danny Galati.
Ayon kay Galati, inaasahan din ang pagpasok ng mga bagyo. “Ang inaasahan natin, nasa two to four typhoons a month up to December. Ang ine-expect natin, 19 to 20 [bilang ng bagyo] a year.”
Ani Galati, dahil sa climate change ay “extremes” ang inaasahang panahon. “Ang manifestation ng climate change is all extremes. Sobrang mainit, sobrang malamig, sobrang dami ng ulan, sobrang lakas ng mga bagyo.”
“May mga sitwasyon na talagang malakas ang ulan. Lalo kung bumabagyo, mararamdaman natin ‘yan. Marami ang ibubuhos na ulan niyan sa [loob ng] 24 hours lang.”
Gaya ngayong tag-init, ang init na naranasan sa bansa ay pumalo sa temperaturang 26 degrees Celsius hanggang 42 degrees Celsius. Sinabi ni Galati na lalong dapat paghandaan ng publiko ang papasok na panahon ng tag-ulan.
Nilinaw niya na walang La Niña phenomenon ngayong papasok ang panahon ng tag-ulan kumpara noong nakaraang taon.
Ayon kay Galati, posibleng lahat ng kalsada paakyat ng Baguio ay prone sa landslide lalo na ang Kennon Road. “Kapag na-super saturate iyong lupa dahil sa dami ng ulan na bumuhos, asahan mo na may magla-landslide.”
Aniya, kailangang obserbahan ang isang partikular na paligid kung ito ay may indikasyon ng paglambot ng lupa at pagguho. “Kung may tumutulong tubig diyan, iyong pinanggagalingan ng tubig. Mapapansin mo parang source na ng tubig iyong paglabas ng tubig sa isang bundok, ay malamang marami nang tubig iyong na-infiltrate doon sa lugar na iyon. Iyong mga lugar na dadaanan ng malakas na ulan, dapat paghandaan ang [posibleng] landslide.”
Paalala ni Galati, kailangang maging laging handa ang publiko para makaiwas sa sakuna.
Nakahanda na rin ang Office of the Civil Defense sa Cordillera sa nalalapit na panahon ng tag-ulan. Ayon kay Public Information Officer ng OCD-CAR Franzes Ivy Carasi, nakatutok na ang ahensya para sa pagbibigay ng mga babala ukol sa panahong papasok na malalakas na pag-ulan at bagyo. “Intensified na iyong pag-desiminate natin ng advisories – flood advisories, weather forecasts from Pagasa through our info board or SMS text blast. Aside from that, we are also utilizing our social media, and other means of communicating to our local counterparts.”
“Kung dati twice a day [warning] morning and afternoon – that’s 5am and 5pm, ngayon mas madalas, more than twice na. Nagiging four times a day na since every four hours, every five hours nagbibigay ng advisory ang Pagasa sa amin. Iyong nanggagaling na advisory sa kanila, iyon ang sinesend namin,” ani Carasi.
Ayon sa OCD-CAR, naaayon pa rin sa mga warning agencies ang pagbibigay nila ng threat level warnings.
Sa ngayon, nasa white alert level o nomal ang rehiyong Cordillera pagdating sa disaster situation.
Ani Carasi, importante rin ang pagkukusa sa sarili pagdating ng mga sakuna. “DRRM [disaster risk-reduction management] is everyone’s responsibility, hindi lamang responsibilidad ng gobyerno. Responsibilidad nating lahat na panatilihing ligtas ang ating sarili, at ang ating pamilya. Mag-take din tayo ng initiative, hindi lang natin hinihintay iyong gobyerno ang gumalaw para sa atin.” Adrian Trinidad, UC Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon