KAKAIBANG PRODUKTO NG MSMEs SA ILOCOS SUR ANGAT SA KADIWA

VIGAN, Ilocos Sur

Kakaibang mga produkto gaya ng mango ice cream at jam, tocino mushroom, at organikong gulay at prutas ang kabilang sa bumida sa Kadiwa ng Pangulo para sa Manggagawa (KNP) sa Ilocos Sur kamakailan. Dala ang mga ito ng mga magsasaka, mangingisda, at micro, small and medium
enterprises (MSMEs) sa probinsiya na gumagawa ng sari-saring produkto mula sa mga prutas, gulay at huling isda. Ginanap ang Kadiwa kamakailan sa pamumuno ng Provincial Government of Ilocos Sur, kasama ang Department of Agrciculture, sa Provincial Farmers Livelihood Development Center sa lungsod na ito bilang pakikiisa sa sabay-sabay na pagsasagawa ng aktibidad sa 81 na probinsya sa buong bansa.

Ani Provincial Director Rosario Q. Quodala ng Department of Trade and Industry (DTI) sa isang
panayam noong Martes, umaga pa lamang at kahit hindi pa opisyal na nagbubukas ang Kadiwa ay paubos na ang ilang produkto ng mga MSMEs. “Marami silang napagbentahan kasi malaki iyong merkado, iyong mga empleyado palang ng lokal na pamahalaan napakarami nang mamimili non,” ani Quodala. Ayon pa sa kanya, “Malaking bagay sa kanila lalo sa mga walang regular na pwesto o market, maganda iyong lugar at magandang pagkakataon ito para ilabas nila iyong mga produkto nila particularly iyong mga gawa sa agricultural produce, walang middlemen -direktang sila ang
nakikinabang sa produkto nila at mas mura para sa mamimili.”

Aniya, ang mga programang ibinibigay ng DTI sa mga MSMEs ay nakadepende sa kung anong
makikita nila na kailangan at mahalaga gaya ng packaging o pagtulong sa kanilang makakuha ng Food and Drug Administration approval para mapalawak ang maari nilang pagbentahan ng kanilang produkto. Ayon kay Jondel Cabanting ng JRC Mushroom Products Manufacturing sa
Dasay, Narvacan, “Naghahanap ng kakaiba ang mga mamimili, something unique, kasi kanina
kinukuhanan nila ng litrato itong mga produkto namin kaya maganda rin ito at nabibigyan kami ng exposure at opportunity.” Ibinida naman ng Mango Growers of Ilocos Sur na nakabase sa bayan ng
Cabugao, ang kanilang mango ice cream na pinilahan sa KNP, kasama ang mango juice at jam na kanila mismong ginagawa.

Ayon kay Melba Macalloc, kanilang business manager, ang pakikiisa nila sa KNP ay makakatulong para lumago ang kanilang negosyo. Layunin ng Kadiwa na maghatid ng abot kayang presyo ng bilihin sa mga mamimili at direktang makapagbenta ang mga MSMEs, magsasaka, at mangingisda para sa mas mataas na kita. Nakilahok sa aktibidad ang 30 exhibitors mula sa Department of Trade and Industry, limang mula sa kanilang programa na Diskwento Caravan, at tig-tatlo mula sa Department of Labor and Employment at Department of Social Welfare and Development. Samantala, ipinagbili ng 23 agricultural producers na nakiisa rin ang mga sariwang gulay gaya ng talong na P40 kada kilo, dragon fruit na nagkakahalaga ng P50 hanggang P80, 1.5 litrong mantika sa presyong P100, at iba’t ibang klase ng isda at tahong.

(ATV/VWJCT, PIA Ilocos Sur/ABN)

Amianan Balita Ngayon