Kalayaan natin sa pananakop ng COVID

Editorial

Ang deklarasyon ng kalayaan ay isa sa pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang ating bansa ay sinakop ng maraming bansa sa loob ng daang taon. Napakasarap isipin na nakamit ang kalayaan matapos ang lahat ng paghihirap na pinagdaanan. Walang kasing-halaga ito. Ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas ay ipinagdiriwang tuwing Hunyo 12 mula pa noong 1962.

Ang orihinal na selebrasyon ay kalimitang sa Hulyo 4, ngunit pinalitan ang petsa nito ng noo’y Pangulong Diosdado Macapagal at ginawang Hunyo 12, bilang paggunita sa deklarasyon ng kalayaan ni Emilio Aguinaldo mula sa mga Espanyol. Bilang kapalit ay idineklara ang Hulyo 4 bilang Philippine Republic Day o American-Filipino Friendship Day, nang ang isang tratado ay ginawa na nagdedeklara ng kalayaan ng Pilipinas mula sa Estados Unidos.

Ang pagdiriwang ng Kalayaan ng Pilipinas ay mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12, kung saan lahat ng establisimiyento ng gobyerno, mga tahanan, at ibang pampublikong lugar ay hinihikayat na magladlad ng watawat ng bansa. Inuumpisahan ng bansa ang pagdiriwang nito sa pagdispley ng pambansang bandila sa iba’t-ibang makasaysayang mga lugar sa buong bansa.

Sa Rizal Park o alinmang makasaysayang palatandaang lugar ay isinasagawa ng Presidente, Bise-Presidente at ibang mga opisyal ng gobyerno kasama ang matataas na opisyal ng Hukbong Sandatahan maging ng publiko ang pag-awit ng pambansang awit na Lupang Hinirang habang itinataas ang pambansang watawat sa ika-pito ng umaga. Susundan ito ng pag-aalay ng korona at pagtatalumpati ng mga opisyal.

Higit sa pagdiriwang ng pista opisyal ay huwag sana nating kalimutan kalimutan ang kahalagahan nito sa kasaysayan ng ating bansa. Bago nakamit ng ating mga bayani ang ating kalayaan ay inialay nila ang kanilang kagalingan, talino at inilagay ang kanilang mga buhay sa panganib hangga’t nagbuwis ng buhay makamit lamang natin ang kalayaan mula sa mga mananakop na atin ngayong tinatamasa at malasap din ng mga susunod na henerasyon.

Mabibilang lamang ang mga hayag at kilalang mga bayani ng nakalipas ngunit kasing-halaga rin na dapat nating alalahanin ang mga magigiting na mandirigmang hindi napangalanan…mga nakaligtaang bayani.

Ngayon ay kasalukuyan tayong nakikibaka sa panibagong mananakop. Isang kalaban na hindi nakikita na kung tutuusin ay mas mapanganib, mas mabagsik at mas nakamamatay – ang COVID-19. Isa itong kalaban na traydor dahil maliban sa hindi ito nakikita ay walang sinisino ang inaatake. Bata, matanda, lalaki, babae, mayaman, mahirap at malapangyarihan man o mangmang ay maaaring itumba ng sakit na ito.

Ito ngayon ang kalbaryo ng sambayanan, ang sigaw ngayon ng bawat Pilipino – ang makalaya na sa paghihirap, pangamba at pighati na dulot ng COVID-19. Hindi kakayanin ng ating mga bagong bayani, ang mga health frontliners at gobyerno ang laban na ito ng nag-iisa.

Kailangan ang lubos na pakikiisa ng bawat Pilipino sa pakikibaka, higit kailanman ay napakahalaga ang pagtalima ng mamamayan at magkaroon ng disiplina upang sama-sama nating makamit ang kalayaan sa pandemyang ito.

Harinawa ay matuto tayo sa mga naunang mga bayani na nagpalaya sa bansa at nagbigay ng kalayaan sa atin – maging karapat-dapat at responsableng mamamayan tayo ng mahal nating Pilipinas.