Karpentero, nakuryente sa kable ng Beneco

LA TRINIDAD, BENGUET – Nakuryente ang isang 37 anyos na karpentero sa pinagtatrabahuhang gusali sa Bontoc Village, Bahong, La Trinidad noong ika-19 ng Hunyo.
Kinilala ang biktima na si Ulysses Atofan Tagaban, may asawa at residente sa naturang lugar.
Kwento ng kanyang mga katrabaho, nasa ikalawang palapag sila ng ginagawang bahay at abalang nagkakabit ng bakal nang makarinig sila ng putok at nakita nilang nahulog at nakahandusay si Tagaban sa kalsada mula sa taas na 15-20 metro.
Hindi sinasadyang nasagi ng biktima ang kanyang hawak na bakal sa linya ng Benguet Electric Cooperative na naging sanhi ng kanyang pagkakuryente.
Agad siyang dinala sa Benguet General Hospital. Nagtamo ito ng sunog sa iba’t ibang parte ng katawan at pinsala sa kanyang ulo, leeg at ibang bahagi ng katawan ayon sa kanyang doctor. Kasalukuyan pa rin siyang ginagamot sa nasabing ospital. MYSTICA LAURETA, UC Intern

Amianan Balita Ngayon