LUNGSOD NG BAGUIO – Hindi pa rin maipaliwanag ng kapulisan ang motibo ng pagpaslang sa isang konsehal sa lalawigan ng Abra noong Agosto 8, 2018 sa loob mismo ng tahanan nito
Ayon sa Abra police, si Sangguniang Bayan member Isagani Ambaoa Joson ay binaril dakong 7:45 ng gabi sa sitio Manaois, Barangay Poblacion sa bayan ng Lagayan.
Ang opisyal na mag-isa lamang nang naganap ang insidente ay agad na dinala sa Abra Provincial Hospital ngunit hindi ito nakarating nang buhay.
Isang tama ng bala sa kanang bahagi ng likod at lumabas sa kanang dibdib ang kumitil sa buhay ng konsehal.
Natuklasan ng mga imbestigador na ang konsehal ay may hawak na kalibre 45 pistol, at nakita rin ang pitong basyo ng bala ng kalibre 45, dalawang nagamit na bala ng di pa malamang kalibre ng baril at isang deformed metal fragment ng bala ng rifle sa pinangyarihan ng krimen.
Samantala, ilang oras bago ang pagbaril sa konsehal ay isa pang insidente ng pamamaril ang naganap sa Tineg river sa Barangay Cacaburao, sa bayan ng San Juan, Abra.
Si Beejay Gulam Jueves, 29, ng Poblacion, Lagayan, Abra ay isinugod sa ospital matapos itong pinaulanan ng bala habang nasa ilog.
Sa ulat ng pulis, si Jueves ay nagpunta sa naturang ilog, sa pagitan ng Lagayan at San Juan dakong 4:30 ng madaling araw upang kunin ang inilagay nitong barekbek (lambat na yari sa kawayan).
Matapos makolekta ang mga lambat ay nakarinig ito diumano ng mga putok ng baril at nang lumingon ito ay nakita si Jerome Andoy kasama ang isang alias “Ipit” Bersamira.
Sinabi ni Jueves sa mga pulis na patuloy siyang pinaputukan ni Andoy gamit ang baril na hinihinalang isang kalibre 45.
Sinibukang tumakas ng biktima ngunit nakaramdam ito ng tumatagas na dugo sa kanyang kaliwang paa.
Ayon sa ulat ay tumalon ang biktima at sumabay sa agos ng ilog habang patuloy naman siyang pinapaulanan ng bala.
Ilang kamag-anak nito na galing din sa Poblacion, Lagayan, Abra ang nakakita sa biktima at tinulungan ito.
Dinala si Jueves sa Abra Provincial Hospital upang magamot ang isang tama ng bala sa kaliwang paa.
Hindi pa rin malaman ng pulisya ang motibo ng pamamaril. A.ALEGRE / ABN
August 15, 2018
August 15, 2018
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025